MMDA maghihigpit sa towing companies
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim, na maghihigpit sila sa pagbibigay ng accreditation sa mga towing company para magsagawa ng operasyon sa mga pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila.
Ito ay dahil sa tambak na reklamo na kanilang tinatanggap hinggil sa mga pangongotong at pang-aabuso ng ilang towing company.
Sa pakikipagpulong kahapon ni Lim, binalaan nito ang mga towing company, na tatanggalan ng accreditation kapag nasangkot sa anumang uri ng katiwalian.
“We will come up with Implementing Rules and Re-gulations by July that you must follow,” ani Lim.
Bahagi pa rin ng standardization, nanawagan si Lim na i-upgrade ang serbisyo ng mga towing company para tiyakin na nasusunod nga ang towing guidelines.
Sa ilalim ng towing guidelines, kapag ang isang behikulo ay nakaparada ng bawal at naroon ang driver, iisyuhan lang ng traffic violation ticket ang motorista at hindi maaaring hatakin ang sasakyan nito.
Kapag hindi alam na ba-wal pala ang pinaparadahan, dapat magbigay muna ng grace period ang towing crew sa motorista bago ito hatakin.
“We must raise the standards of the towing operation. We have been getting inputs from Automotive Association of the Philippines to do this,” dagdag pa ni Lim.
Sa ngayon sa 120 towing company na nag-o-operate sa buong Kalakhang Maynila, 30 lamang dito ang may accreditation sa MMDA, na ang impounding area ay matatagpuan sa Tumana, Marikina City, Julia Vargas, Pasig City at Libertad, Pasay City.
- Latest