Supplier ng droga ni Kerwin, sumuko
MANILA, Philippines - Sumuko kay PNP Chief P/Director General Ro-nald ‘‘Bato’’ dela Rosa ang pinaghihinalaang drug queen na supplier umano ng droga ni Kerwin Espinosa, ang sinasabing number 1 drug lord ng Eastern Visayas.
Sinabi ni dela Rosa na ang suspek na si Lovely Adam Impal ay sumuko sa Camp Crame nitong Lunes ng umaga bago ang flag raising ceremony.
“If you can recall merong nabanggit si Kerwin na ka-level lang n’ya na drug lord or drug queen, na ang pangalan ay si Lovely Adam Impal, nag-surrender siya sa akin,” pahayag ni dela Rosa.
Ayon kay dela Rosa, nagdesisyong sumurender si Impal matapos lumutang ang pangalan nito sa nari-nig nitong mga balita sa national television dahilan sa natakot ito na marami ang magka-interes at hantingin siya.
“Kusa siyang nag-surrender, yun nga lang I’m not satisfy dun sa mga statement niya kaya ipinasa ko sa AIDG (Anti-Illegal Drugs Group),” ani dela Rosa para maisailalim ito sa masusing imbestigasyon.
Sinabi ni dela Rosa na si Impal ay ineskortan ng hepe ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Police patungong Camp Crame.
Una nang ibinulgar ni Kerwin sa pagdinig ng Senado na siya at ang drug lord ng Cebu na si Jeffrey “Ja-guar” Diaz ay kumukuha ng drug supply mula kay Impal.
Nabatid na si Impal ay may mga tahanan sa Cagayan de Oro City, Iligan City, Bukidnon gayundin sa Makati City.
Samantala naghihinala naman si dela Rosa na hati sa katotohanan at kasinu-ngalingan ang mga sinasabi ni Impal sa mga awtoridad.
“Iyong ibinibigay niyang impormasyon ay iyong alam niya na hindi masyadong makakadiin sa kanya. Iyong makakadiin sa kanya di naman niya inire-reveal,” ayon sa Chief PNP.
Kaugnay nito, nagbabala naman si dela Rosa na sa sandaling lisanin ni Impal ang kustodya nito sa PNP ay maaaring abangan ito at itumba ng mga sindikatong naghihinalang inilaglag nito sa mga awtoridad.
- Latest