Marcos loyalist nagpugay sa LNMB
MANILA, Philippines – Dinagsa kahapon ng daan-daang Marcos loyalist na lulan ng 70 pampasaherong bus ang puntod ni dating Pangulong Ferdinand Marcos upang magbigay pugay matapos itong ihimlay noong Biyernes ng tanghali sa Libingan Ng Mga Bayani (LNMB) sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Bandang alas -7 ng umaga nang dumating ang mga Marcos loyalist mula sa iba’t-ibang bayan ng Ilocos Norte na sakay ng mga pampasaherong bus na nakasuot ng kulay pula at puting t-shirts.
Pinayagang makapasok ng mga nagbabantay na mga tauhan ng National Capital Region Police Office at Armed Forces of the Phillipines (NCRPO-AFP) ang mga Marcos loyalist sa naturang libingan matapos pahintulutan ito ng pamilya Marcos.
Nagtungo ang mga loyalista sa puntod ng dating pangulo at alas-8 ng umaga ay idinaos dito ang isang misa. Makalipas ang dalawang oras bandang alas-10 ng umaga ay dumating naman sina Ilocos Norte Governor Imee Marcos; dating Senador Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr.; dating First Lady Imelda Marcos at mga kaanak na nagdaos din ng misa sa puntod.
Sa kasalukuyan ay todo bantay rin sa bisinidad ng LNMB ang mga tauhan ng NCRPO, Civil Disturbance Management (CDM) at Southern Police District para panatilihin ang seguridad, kaayusan at kapayapaan sa nasabing himlayan.
- Latest