5 paaralan sa Maynila, binulabog ng bomb threat
MANILA, Philippines - Limang eskuwelahan sa Maynila, apat dito ay nasa paligid ng Malacañang ang binulabog ng bomb threat kahapon.
Gayunman, matapos ang isinagawang inspeksyon ng mga awtoridad pawang negatibo sa bomba ang mga paaralan.
Sa panayam kahapon kay P/Chief Insp. Arnold Santos, hepe ng EOD, mistulang nakikisabay lamang para makapambulabog, manakot at magdala ng kalituhan sa mga tao ang nasabing bantang pagpapasa-bog sa Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), na matatagpuan sa Nagtahan, Sampaloc, Maynila.
Nabatid sa ulat na dakong alas-9:00 ng gabi, ng Linggo (Set. 4) nang itawag sa kanila ng nakasasakop ng MPD-Station 8 ang bomb threat sa EARIST at binantayan at nirespondehan naman ng kaniyang mga tauhan at minonitor hanggang kinabukasan.
Nabatid na nakatanggap ng text message ang gui-dance counselor ng eskwelahan kung saan nakasaad na “tapos sa Davao bukas jan naman sa inyo pasasabugin namin ang buong school kasama ang mga estudyante”.
Kahapon, naman alas- 6:45 nang isa pang tawag ang natanggap ng pulisya hinggil sa paglalagay uma-no ng bomba sa Centro Escolar University, sa Mendiola, na nakuha umano sa isang Miss Lota, college student, sa pamamagitan ng group chat sa social media, na nagsasabing “BILANG ISANG MIYEMBRO NG ABU SAYYAF HANDA AKONG SUMUKO KAY PANGULONG DUTERTE AT UMAIN NA NAGTANIM KAMI NG BOMBA MALAPIT SA MALACAÑANG NA AMEN NILAGYAN NG BOMBA SA MAAARING SUMABOG ALAS-8 NG UMAGA.”
Matapos galugarin ng K-9 units at mga tauhan ng EOD sa pangunguna ni Chief Insp. Santos ay negatibo naman kaya nang lapitan sila ng San Beda College na humingi rin ng saklolo matapos ma-tag umano sa nasabing chat sa social media, ay nagsumikap na ring tukuyin kung mayroon na nakatanim na bomba doon.
Nabatid na nagkansela ng pasok ng mga estudyante at empleyado ang pamunuan ng College of the Holy Spirit, malapit sa Mendiola nang mabatid ng pamunuan na may itinanim na bomba sa mga eskwelahan mala- pit sa Malakanyang.
Pinakahuling insidente ng isang bomb scare, kung saan kinatakutan ang isang itim na backpack na iniwan sa tabi ng upuan malapit sa entrance gate ng Emilio Aguinaldo College, sa United Nation Avenue, sa Ermita, Maynila, katapat lamang ng MPD headquarters,kahapon.
Alas-5:45 ng itawag sa EOD ang nasabing insidente matapos ikordon mismo ng mga security personnel ng eskwelahan ang nasabing bag.
Sinabi ng mga sekyu na alas-2:00 pa ng hapon naiwan ang bag kaya pinagdudahang bomba kaya agad itong nirespondehan ng EOD kung saan negatibo rin ito sa bomba at tanging mga gamit sa eskwelahan at ilang laboratory results ang laman. Hindi nagtagal ay lumapit ang isang foreigner na nagsabing ang bag ay pag-aari umano ng kaniyang kaibigang foreigner na estudyante din sa naturang paaralan.
- Latest