SUV nag-dive: Mayor patay, 3 sugatan
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Hindi na umabot ng Pasko ang isang 57-anyos na mayor ng Isabela matapos na masawi habang tatlo pang kasamahan nito ang nasa kritikal na kondisyon ang nahulog at sumadsad sa malalim na lubak ng irigasyon ang kanilang sinasakyang SUV sa kinukumpuning highway sa Barangay Sinsayon, Santiago City, Isabela nitong Huwebes ng gabi. ?
Kinilala ni P/Senior Supt. Percival Rumbaoa, Santiago City Police director ang nasawi na si Mayor Rodolfo Bernardo ng Palanan, Isabela. Siya ay idineklarang dead-on-arrival sa ospital dahil ng internal hemorrhage bunsod nang matinding sugat at pagkabagok sa ulo.
Inoobserbahan naman sa pribadong pagamutan ang driver ng alkade na si Rommel Alvares, 34 ng Cauayan City; isang Engrs. Melito Casasola, 39 at Emerson Velarde, 46, mga municipal planning and development coordinators sa bayan ng Palanan at Divilacan.?
Ayon kay Supt. Genato Birung, hepe ng Traffic Management Group ng Santiago City Police, dakong alas-11 ng gabi habang lulan ng Toyota Fortuner Sports Utility Vehicle (ZTY 898) ang mga biktima na minamaneho ni Alvarez nang mangyari ang sakuna.
Hindi umano napansin ng driver na nagkataong matulin ang takbo ang kinukumpuning lansangan nang mag-overtake siya sa sinusundang behikulo.
Bunga nito ay nahulog ang behikulo sa isang lubak nang pumutok ang gulong nito bago bumaliktad at saka gumulong nang tinatayang may limang metro mula sa pinangyarihan ng insidente na sa kamalasan ay sumadsad pa sa isang irigasyon.
Sinabi ni Alvarez na hindi niya napansin ang kinukumpuning daan dahil sa kakulangan ng signages o karatulang may babala sa lugar. Nawalan umano siya ng kontrol sa manibela matapos na pumutok ang gulong ng sasakyan na minamaneho nito kaya bumaliktad ito at nahulog sa irigasyon.
Ang mga biktima ay galing sa isang seminar na inisponsoran ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Metro Manila at pauwi na sana sa lungsod ng Cauayan nang mangyari ang insidente.
- Latest