P15-M ari-arian sinunog ng NPA rebs
NORTH COTABATO, Philippines – Tinatayang aabot sa P15 milyong halaga ng ari-arian ang nawasak makaraang sunugin ng mga rebeldeng New People’s Army ang mga heavy equipment sa quarry site sa hangganan ng Barangay Concepcion at Brgy. Magsaysay sa Purok Aquino, Koronadal City, South Cotabato noong Martes ng gabi.
Itinuturong mga suspek sa panununog ay ang grupo ng New People’s Army (NPA) kung saan ang sumalakay sa Happy Living Quarry Site bandang alas-7:40 ng gabi.
Kabilang sa mga heavy equipment na sinunog ay dalawang dump trucks at 1 pay loader habang partially damaged naman ang 2 pang pay loader.
Maliban sa mga heavy equipment na sinunog, tinangay din ng mga rebelde ang tatlong baril ng mga security guard at isang yunit ng computer monitor.
Samantala, kinondena naman ni South Cotabato Governor Daisy Fuentes ang paghahasik ng kaguluhan ng mga rebelde na posibleng makaapekto sa ekonomiya ng lalawigan dahil sa takot ng mga negosyante.
Pinaniniwalaan namang pangingikil ng revolutionary tax ang isa sa motibo ng mga rebelde kaya isinagawa ang pananabotahe.
- Latest