Underwood, Space Needle inihahanda sa Triple Crown
MANILA, Philippines - Ilang araw na lamang ay idaraos na ang unang yugto ng Triple Crown stakes race sa Santa Ana Park sa Naic Cavite na itatakbo sa Mayo 15.
Ngayong gabi ay susubok ang dalawang kaba-yong pang-triple crown para malaman kung nasa hustong kundisyon na sila.
Ang una ay ang Underwood na ibinigay ang renda kay Jessie B. Guce at ang ikalawa ay ang Space Needle na sasak-yan ni J.T. Zarate.
Matatandaan na lumaban ang Underwood at Space Needle sa isang three-year-old special race noong Abril 17 bilang coupled runners at naging outstanding favorite pa.
Pero sa hindi inaasahang insidente ay nagkaroon ng problema ang Space Needle at hindi nakatapos ng karera pero ang kanyang coupled mate na Underwood ay bumanat pa nang husto pero nasegundo sa nagwaging Dewey Boulevard.
Sa San Lazaro nangyari ang naturang karera pero ngayon ay sa Santa Ana Park naman tatakbo. Ang unang leg ng triple crown ay sa Saddle & Club Leisure Park sa Naic, Cavite ang labanan.
Susubukan ding ma-kapasok sa prestihiyosong Triple Crown stakes ng Johnny Be Good na nakatakdang lumaban sa mas mababang grupo ng mga three-year old sa handicap-2/3 merged. Sa handicap-4/5 merged naman ang Underwood at Space Needle.
Papatungan ni John Paul Guce ang Johnny Be Good at kung sakaling malayo ang oras nito sa Space Needle at Underwood, sa hopeful stakes muna ito maisasalang.
Ang Johnny Be Good at coupled runners na Space Needle at Underwood ay sadyang lutang at angat sa kinabibilangan nilang grupo kaya inaasahang mananalo sila ngayong gabi. (JM)
- Latest