2015 Smart Player of the Year ihahayag sa UAAP-NCAA Press Corps Collegiate Awards
MANILA, Philippines – Isa sa limang pinakamahuhusay na collegiate basketball player sa nagdaang season ang kikilala-ning 2015 Smart Player of the Year sa pagtatanghal ng UAAP-NCAA Press Corps at Smart Sports ng Collegiate Basketball Awards sa Jan. 26 sa Saisaki-Kamayan sa Greenhills.
Sina UAAP Most Valuable Player Kiefer Ravena ng Ateneo, NCAA MVP Allwell Oraeme ng Mapua, Mac Belo ng Far Eastern University, Kevin Ferrer ng University of Santo Tomas at Scottie Thompson ng University of Perpetual Help ang bumubuo ng Collegiate Mythical Five at isa sa kanila ang mapipiling 2015 SMART Player of the Year na ihahayag sa gabi ng parangal.
Nakopo ni Ravena ang kanyang ikalawang sunod na UAAP MVP award sa kanyang final season sa Ateneo habang si Oraeme ang nagdala sa Mapua sa kanilang unang NCAA Final Four appearance sapul noong 2010 sa pamamagitan ng kanyang mga double-double performances.
Tinapos naman ni Belo ang kanyang collegiate career sa pagtulong sa FEU na makopo ang titulo sapul noong 2005 at sa pagkapanalo niya ng Finals MVP.
Bagama’t nabigong makuha ng UST ang titulo, impresibong performance ang ipinakita ni Ferrer para pumangalawa kay Ravena sa UAAP MVP derby.
Si Thompson na naglalaro na para sa Ginebra sa PBA ay napili ng mga sportswriter na kumukober ng collegiate basketball bagama’t di nakarating ang Perpetual sa NCAA Final Four dahil nakitaan pa rin ito ng pang-MVP performance tulad noong 2014.
Pangungunahan nina FEU coach Nash Racela at Aldin Ayo, dating coach ng Letran na ngayon ay nasa La Salle na, ang mga awardees bilang mga coach of the year matapos ihatid sa titulo ang kani-kanilang koponan.
Sina Roger Pogoy ng FEU at Kevin Racal ng Letran ang mga Pivotal Players habang sina Baser Amer ng San Beda, Mark Cruz ng Letran at Mike Tolomia ng FEU ang tatanggap ng Super Senior honors.
- Latest