Direk Maryo maraming pinasikat! ISYU
Ang dami nang naidirek na pelikula ni Maryo J. Delos Reyes. Pero siguro nga, masasabi nating ang pinakamalaking accomplishment ni direk Maryo ay hindi lamang ang lumikha ng mahuhusay na pelikula kung hindi ang makatuklas at makapagpasikat ng mga artista.
Matagal na naming kilala si direk Maryo. Panahon pa noon ng Agrix Films nang unang mapansin ang kanyang mga ginawang pelikula. Siguro noong panahong iyon, masasabi ngang ang nabigyan niya ng break nang husto ay si Lloyd Samartino. Kilala na si Lloyd noong panahong iyon dahil nagmo-modelo siya at anak ng sikat na singer na si Carmen Soriano.
Itinambal noon si Lloyd kay Nora Aunor sa Annie Batungbakal na idinirek ni direk Maryo. Doon siya sumikat nang husto bilang isang matinee idol, pero hindi nakuntento si direk. Sinasabi niya noon na hindi niya napiga nang husto si Lloyd sa acting, kaya kasunod noon ginawa naman niya ang isang pelikulang drama sa Agrix noon, iyong Gabun. Doon na nakilala si Lloyd bilang isang tunay na actor.
Hindi lang si Lloyd. Ang unang pelikula ni Aga Muhlach, iyong Bagets ay ginawa rin ni direk Maryo. Iyon ang unang pelikula ni Aga bilang isang star. Nakagawa na kasi siya ng bit roles doon sa May Isang Tsuper ng Taxi, Babaeng Hiwalay sa Asawa, at saka doon sa pelikula ni FPJ na Aguila. Pero sumikat talaga siya noong panahon ng Bagets.
Si direk Maryo rin ang unang gumawa ng isang adult movie para kay Aga, itinambal siya kay Vilma Santos sa pelikulang Sinungaling Mong Puso, kung saan nakatanggap siya ng Best Actor award.
Ipinakilala rin ni direk Maryo ang batang actor na si Jiro Manio, na umani ng mga papuri at awards hindi lamang dito sa ating bansa kung hindi maging sa abroad.
Mula sa paggawa ng kung anu-anong pelikula na kung tawagin noon ay ST, biglang kinilala si Anton Bernardo bilang “isang magaling palang actor” nang gawin ni direk Maryo iyong Paraiso ni Efren.
Nagawa rin niya at naipakilalang isang mahusay na actor ang ngayon ay congressman ng Maynila na si Yul Servo.
Sila lang iyong masasabi mong naging pinakamalalaking stars, pero bukod sa kanila ay marami pang ibang nabigyan ng break, natulungan at napasikat kahit na papaano si direk Maryo. Isa kasi siyang progresibong director na naniniwala sa pagbibigay ng break sa mga baguhan. Basta nakita niya ang potentials, asahan mo iisipan na niya iyan ng proyekto.
Hanggang ngayon napakaraming mga baguhan na umaasa sana sa kakayayan ni direk Maryo, pero nakakalungkot ngang masyadong maagang dumating ang “the end”.
Sa edad na 65, habang siya ay nasa isang party sa Dipolog City, inatake sa puso si direk Maryo. Isinugod pa siya sa ospital pero wala na rin. Nangyari iyan bandang alas-diyes noong Sabado ng gabi, January 27. Wala pang masyadong detalye sa pagyao ng batikang filmmaker, at habang isinusulat pa namin ito ay wala pa rin namang sinasabi kung saan siya ibuburol, pero naroroon ang lungkot sa buong industriya.
May isang serye sa telebisyon pa siyang ginagawa, na ngayon ay naiwan na niya. Wala naman yata siyang pelikulang naiwan, pero may mga pelikulang naghihintay pa sa kanya. Nakakalungkot lang na maagang nawala si direk Maryo, dahil bihira ang director na kagaya niya, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga baguhan. Ang karamihan, kumukuha ng big stars na para kumita ang kanilang pelikula.
Iyong mga kagaya ni direk Maryo, nakakahinayang kung nawawala.
- Latest