Ate Vi waging best actress sa the Eddys!
Joe Quirino inaalala kay Boy Abunda!
Hindi kami nagulat nang piliin ng mga entertainment editors sa ating bansa si Congresswoman Vilma Santos bilang best actress sa kanilang unang Eddys Awards. Napanood namin ang pelikulang iyon ni Ate Vi, at naniniwala kaming nagbigay siya ng isang napakahusay na performance talaga. Pero ayaw naming mag-comment tungkol doon, ni hindi kami gumawa ng forecast bago ang awards, kasi hindi namin napanood ang pelikula ng mga nakalaban niya.
Hindi namin napanood si Charo Santos, eh kasi apat na oras naman ang pelikulang iyon. Hindi namin ma-imagine man lang ang sarili naming nakaupo sa loob ng isang sinehan ng apat na oras. Ang pinakamahabang napanood namin ay iyong Ten Commandments pa noon.
Hindi rin namin napanood ang pelikula ni Jaclyn Jose, kasi biglang nawala sa mga sinehan at hindi na ipinalabas pa ulit. Iyong pelikula rin naman ni AiAi delas Alas, natatandaan namin ipinalabas pa iyan sa kanilang Cine Lokal, bargain ang admission, one twenty five lang, pero ang bilis eh. Nawala rin agad.
Iyong pelikula ni Nora Aunor ay ni hindi namin nakita sa mga sinehan. Ganoon naman talaga basta indie eh. Pang one or two days showing lang iyan. Ganoon din ang kay Rhian Ramos. At sa totoo lang, iyong pelikula ni Hasmine Killip ay hindi pa namin napapanood ni minsan man.
Kung hindi mo napanood ang lahat ng pelikula, hindi ka dapat na magbigay ng opinion. Iyon ngang isang TV reporter na hiningan namin ng comment, ang sabi sa amin “ang napanood ko lang diyan iyong pelikula ni Ate Vi”, kaya ayaw din niyang mag-comment. Pero dahil tahimik naman ang publiko, at wala kang naririnig na negative comments, masasabi nga sigurong maganda ang naging desisyon ng mga entertainment editors. Isa pa, pinag-ingatan naman nila talaga ang kanilang choices dahil at stake riyan ang kanilang pangalan at reputation as editors.
Iyon ang problema ng ibang kritiko ngayon, hindi naman nila napapanood ang lahat ng mga pelikula. Mabilis mawala sa sinehan ang mga indie, kung naipapalabas man. Maski nga DVD, hindi sila pina-pirate at wala ring naglalabas ng legal na kopya. Hindi kasi nabibili.
Sayang ang moment, hindi nakarating si Ate Vi na nasa abroad pa rin hanggang ngayon. Malamang gagawa na lang siya ng arrangement kung papaano maiaabot sa kanya ang unang The Eddys Award. Humingi rin ng paumanhin si Angel Locsin na hindi rin nakarating dahil may inayos daw siyang mahalagang bagay sa kanilang pamilya.
Pero dahil maganda ang choices at kapani-paniwala naman ang naging desisyon nila, tiyak na panonoorin ng mga tao ang telecast niyan sa Linggo. Sayang nga hindi nila nai-telecast ng live.
Ang isa pang nagustuhan namin sa Eddys ay ang pag-alala nila sa dalawang beteranong entertainment editors. Si Joe Quirino ay dating entertainment editor ng lumang Manila Times at Daily Mirror bago mag-martial law bago sumikat na talk show host. Si Manny Pichel naman ay editor ng Philippine Daily Express, Manila Chronicle at Malaya.
Si Mang Joe ang kauna-unahang movie writer na naging TV host. Top rater noon iyong kanyang Seeing Stars sa ABC 5. Siya rin ang kauna-unahang nagbibigay ng ‘give aways’ sa kanyang mga guest. Natatandaan namin, binigyan niya ng regalong briefs si Muhammad Ali at sinabihan ng “please evacuate” pagkatapos niyang ma-interview. Talagang classic si Mang Joe.
Dahil nauna iyang Eddy’s, iyong kanilang preparation at klase ng presentation ang magiging standards sa taong ito. Kung kagaya nang dati na walang kuwenta ang ginagawang programa ng iba, tiyak mapipintasan sila. Kailangang tapatan nila ngayon kung ano ang ipinakita ng mga entertainment editors. Kailangan ganoon din kalinis. Iyong pagkatapos walang tsismis. Eh alam naman ninyo ang mga awards dito, laging may kasunod na tsismis. Hindi mo naman masisi ang mga gumagawa ng tsismis dahil totoo namang may mga award giving body sa atin na talagang katsismis-tsismis.
Normal na yata rito sa atin iyong pagkatapos ng awards, may kung anu-ano nang usapan. Huwag na nating banggitin iyong mga bintang na “lagayan”. Mabuti naman at ang mga ganoong usapan ay na-eliminate ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEED). Malaking advantage na iyon para sa kanila. Malinis ang image. Wala rin silang members na “once a year critics” lamang ng mga pelikula, at mga nagtitinda ng bato ng lighter at pang-hinule sa Quiapo.
- Latest