Regine maraming first time sa Viva
Thirty years na pala sa show business si Regine Velasquez. Hindi natin halos namamalayan na ganoon na pala siya katagal. Bilang celebration ng kanyang tatlong dekada sa show business, at pasasalamat na rin sa lahat ng fans, magkakaroon siya ng isang concert sa October 21 sa MOA Arena, at kasabay noon ay ilalabas din ang isang three-CD collection ng kanyang mga kanta, na ang magiging title rin ay R 3.0.
Pero iisipin siguro ninyo, bakit ang Viva ang magiging producer ng concert at ng album? Para ipaalala lang sa inyo, baguhan pa noon si Regine, at karay-karay pa ng tatay niyang si Mang Gerry ay binigyan na siya ng break ng Viva. In fact, iyong kanyang unang hit song, na Urong-Sulong, ginawa niya iyon sa ilalim ng Viva Records. Una rin siyang pinakanta ng isang theme song ng pelikula ng Viva, para doon sa Phillip Salvador starrer na Gabi na Kumander. Unang nakasali siya sa film festival sa isang pelikula rin naman ng Viva, iyong Pik Pak Boom kung saan nakasama niya sina Herbert Bautista, Lea Salonga, at iba pa.
Una siyang tinawag na Box Office Queen sa pelikula niyang Ikaw Lamang Hanggang Ngayon kung saan nakatambal niya si Mayor Richard Gomez. Sa Viva rin niya nakatambal sa pelikula sina Robin Padilla, Aga Muhlach, at maging si Christopher de Leon.
Kaya sabi nga ni Regine, “it is also coming home”, dahil talaga namang ang Viva ay may malaking bahagi sa kanyang tatlong dekada sa show business.
Kung natatandaan ninyo, sa Viva rin siya naging unang TV host, doon sa A Star for a Night, na inilalabas ng Viva noon sa IBC 13. Dahil doon kaya nalaman ng iba na puwede pala siya maging TV host. Kung natatandaan pa rin ninyo, sa show na iyon na si Regine ang host, na-discover naman si Sarah Geronimo.
Maging ang Viva naman ay excited nang makasama si Regine sa kanyang ikatlong dekada. Si Regine pala ang bumuo ng idea, at dinala niya sa Viva.
“Noong makita ko ang budget, medyo malaki pero hindi na ako tumawad. Sige na. Si Regine naman iyan at noon pa mang una believe ako sa batang iyan,” sabi ni Boss Vic del Rosario ng Viva.
Naalala pa ni Regine kung papaano siyang nagsimulang maging isang artista sa pelikula. Kinumbida raw niya si Boss Vic sa isang stage play, Noli Me Tangere ang title. Pagkatapos ng play, nakita niya si Boss Vic na nagsabi sa kanya, “magaling ka palang umarte, mag-pelikula ka na”. Tapos natalikod lang daw siya, hindi na niya nakita si Boss Vic na nakaalis na pala. Pero ang kasunod ay isang tawag na may nakahanda ng script para sa kanya.
Iyong gagawin naman nilang commemorative album na ang title ay R3.0 din, ay ginagawa ng Viva sa ilalim ng supervision ng composer at record producer na si Baby Gil. Sinasabi nga ni Baby na limang kanta pa lamang ang natatapos nila, at magiging ready iyon bago ang malaking concert. Sinabi rin niyang ang album na iyon ay isang “must have” para sa mga music lovers at mga collectors. May tatlumpung kanta na mahahati sa tatlong CD, na mabibili ng isa-isa o magkakasama sa isang commemorative album para sa mga collectors. Siyempre may special cover ang collectors’ edition, at may kung anu-ano pa iyong mga dagdag para sa mga collectors.
Pero ang nakakatuwa, umabot na pala si Regine ng ganoon kahabang panahon sa show business nang hindi halos natin namamalayan, pero iginigiit niya “pero 28 years old lang ako ha”.
- Latest