Cignal, Racal agawan sa titulo
MANILA, Philippines - Pag-aagawan ng Cignal-San Beda at Racal Ceramica ang kampeonato sa paglarga ng rubber match ng PBA D-League Aspirant’s Cup best-of-three championship series ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Muling magpapang-abot sa huling pagkakataon ang Hawkeyes at Tile Masters sa alas-4 kung saan inaasahang ibubuhos na ng dalawang koponan ang naitatago nitong lakas upang masungkit ang korona sa kumperensiyang ito.
Para kay six-time PBA D-League champion coach at Hawkeyes mentor Boyet Fernandez, tatanghaling kampeon kung sino ang determinadong manalo at maglalaro ng may malaking puso.
“Do-or-die affairs are all about the players. We just have to prepare our players and let them play. It’s no longer about the x and os. Who really wants the championship will win,” aniya.
Sumang-ayon naman si Tile Masters coach Jerry Codiñera kasabay ng pagbibigay ng payo sa kanyang bataan na mapanatili ang init sa kanilang mata upang makamit ang inaasam na panalo.
“It’s the same, we’d like to keep things simple. We’re happy na naka-equalize kami, but we’ll continue to adjust and give our best,” ani Codiñera.
Namayani ang Cignal sa Game 1 sa pamamagitan ng 93-85 panalo ngunit naitabla ito ng Racal matapos itarak ang 100-90 panalo sa Game 2 upang maipuwersa ang do-or-die.
Aasahan ng Hawkeyes si Conference Most Valuable Player Robert Bolick kasama sina Jason Perkins, at Pamboy Raymundo.
Ang Tile Masters naman ay kukuha ng lakas mula kina Rey Nambatac, Jackson Corpuz at Kent Salado.
“Key para sa amin yung good start. Pero hindi lang naman yun doon. Kailangan namin mag-communicate para makuha yung championship,” wika ni Nambatac.
Handa naman si Bolick na makabawi matapos ang hindi kagandahang ipinamalas sa Game 2.
“Pinagtatawanan nila kami kaya babawi kami sa Game 3. We’ll come back stronger,” ani Bolick.
- Latest