Kahit sila na raw Love story nina Alden at Yaya Dub hindi na mabenta?!
Inamin na rin mismo ni Maine Mendoza na alam niyang malapit nang matapos ang kanilang ginagawang Kalyeserye. Mahigit isang taon na iyon at masyado nang mahaba, at sa totoo lang ay wala na rin namang bago sa kuwento. Kung anu-ano na ang ginawa nila. Pati kidnapping ay ginamit na nila para lang mapahaba ang kuwento pero talagang wala na eh.
Si Maine mismo, eh out of character na. Kasi siya na si Maine, hindi na si Yaya Dub. Nakalimutan na nila ang character ni Divina Ursula Bukbokoba Smash. Parang humalo ang totoong personality nina Alden Richards at Maine habang nananatiling in character naman ang kanilang mga lola.
Malaking bagay din na nabawasan ng isa ang mga lola.
Aminin na rin natin, hindi na iyan kagaya ng dati. Noon kasi, lahat naman halos nakakapanood ng kalyeserye, pero asahan mo pinag-uusapan pa iyon ng mga nakapanood na. Ngayon sa napapansin namin, hindi na pinagkukuwentuhan iyon. Parang nagsawa na rin ang mga tao.
Dati nga may mga magagandang pangaral pa si Lola Nidora (Wally Bayola), ngayon nawala na rin ang kanyang mga binibitawang magagandang linya. Mukhang naubusan na rin sila ng masasabi ng lola.
Mahirap din naman talaga ang ginawa nila kasi masyado na ngang humaba at kung napapansin ninyo, hindi na rin ganoon katindi ang batak nito sa ratings. Maski na ang mga bagong character na ipinasok nila ay hindi rin naman napansin. Kaya nga siguro inalis na rin nila ang mga ito.
Makikita mo ang kanilang attempt na pasiglahin ang serye. Naglagay na sila ng eksena kung saan umamin na sina Alden at Maine na mahal nga nila ang isa’t isa. Siyempre kinilig na naman ang fans, pero halata mo naman na iyon ay “para sa Kalyeserye lamang”. Hindi iyan sa totoong buhay. Hindi kami naniniwala na totohanan na nga iyan.
Anyway, tapusin man nila ang Kalyeserye, masasabi nga sigurong it has served its purpose. At least tumagal na sila nang mahigit na isang taon.
Sharon, Aga at Vilma wala pa rin nakakaagaw ng puwesto
Throwback time na naman kaming lahat noong isang gabi. Bawat isa ay nire-recall ang mga karanasan nila sa show business noong araw at ang malaking kaibahan ng show business noon at ngayon. Lahat nga ay umamin na walang nakarating sa superstar status pagkatapos ni Sharon Cuneta. Lahat sila nagsikap lang pero hindi umabot sa ganoong level.
Nakapag-establish din ng record sa popularidad si Aga Muhlach noon, na sa palagay din naman namin hindi naabot ng sino mang sumunod sa kanya ang kanyang level.
Among the female stars, sinasabing pinakamagaganda pa rin sina Amalia Fuentes, Marianne dela Riva at Dawn Zulueta. Pero may magaganda rin namang ibang nabanggit.
Sa mga artistang lalaki, sinasabi nilang exceptional ang hitsura nina Ricky Belmonte, Alfie Anido, Aga Muhlach, Richard Gomez at ngayon nga ay si Daniel Padilla.
Siyempre, exceptional din naman sina Sharon Cuneta na naging box office queen ng siyam na taon at bago iyon si Vilma Santos na box office queen ng pitong taon. Pagkatapos noon ay wala nang nakagaya pa sa kanilang record sa takilya.
Sa telebisyon, si Vilma Santos ang may hawak ng record. Pinakamalakas ang kanyang show, lalo na sa paghakot ng commercials. Natigil lang naman iyon dahil gusto niyang magpahinga para magka-anak na muli, na nangyari naman. Ibang klase talaga noong araw ano?
- Latest