Bago sumabak sa kongreso, Ate Vi balik-UP
Kung hindi ninyo masyadong naririnig ang Star For All Seasons at ngayon ay congresswoman na si Vilma Santos, iyon ay dahil pinag-aaralan niyang mabuti ang kanyang magiging bagong role bilang isang lawmaker.
Naging ugali na iyan ni Ate Vi, kahit na noong araw pa. Wala siyang ginawang kahit na anong proyekto na hindi niya pinag-aaralang mabuti bago niya simulan. Siguro matatawa kayo, ang akala ba ninyo basta sasabak si Ate Vi kahit na sa mga simpleng pelikula niya noon kagaya noong mga Super Vi o iyong Vilma and the Beep Beep Minica nang basta-basta lang? Pinag-aaralan niya kahit ang mga iyon. Kaya walang nagawang pelikula iyang si Ate Vi na walang script. Hindi puwedeng ikukuwento mo lang sa kanya ang istorya. Hindi puwedeng sequence treatment ang ipakikita mo. Kailangan hawak niya ang isang working script bago pa man siya magdesisyon kung gagawin niya o hindi ang isang pelikula.
Noon namang maging mayor siya ng Lipa, aba bago umupo iyan nag-attend muna ng isang crash course sa UP para maintindihan niyang mabuti ang kanyang dapat gawin. Ngayon na isa naman siyang congresswoman, pinag-aralan din naman niya iyon bago siya umupo sa kamara.
Vilmanians inaabangan si Rhian
Napag-usapan na rin lang si Ate Vi, may mga nagtatanong nga sa amin kung ano ang aming opinion sa remake ng isa niyang pelikula na ipapalabas sa telebisyon. Iyon ay ang Sinungaling Mong Puso nina Rhian Ramos, Rafael Rosell, at Kiko Estrada.
Kung ang isang pelikula ay ire-remake sa telebisyon o isa pang pelikula ulit, ibig sabihin kinikilala nilang mahusay ang pagkakagawa ng mga naunang proyekto.
Tungkol naman doon sa sinasabing ang kinuha ay lesser stars kaysa sa original, aba eh telebisyon lang naman iyan. Iyon namang nauna ay pelikula talaga, at ginawa iyon noong panahong matindi ang kumpetisyon sa industriya ng pelikula. Kaya nga ang mga artista noon bukod kay Ate Vi ay sina Gabby Concepcion at Aga Muhlach. Maituturing na ngang klasiko ang pelikulang iyon. Maski nga kami nagtago ng kopya ng pelikula sa legal na DVD.
Iyong kuwento ng pelikula ay para rin sa matured audience, kaya sana nga ilabas nila iyan nang medyo gabi na, iyong tulog na ang mga bata.
Hindi iyan suitable for a young audience na alam naming maghihintay niyan dahil kuwento ng pelikula ni Ate Vi. In fact, sa kanilang plugs mga eksena ni Ate Vi ang nakita namin.
Ang isa pang delikado, marami pang Vilmanians ha, at kung hindi makakapantay iyan sa pelikula ni Ate Vi, tiyak na katakut-takot na laitan ang maaasahan ninyo. Kaya dapat iyan ingatan nila nang husto.
- Latest