Dahil sa ilang technicality pagtakbo ni Ate Vi sa 2016, alanganin pa
Mukha raw malalagay sa alanganin ang pagtakbo ni Governor Vilma Santos bilang congressman ng Lipa City dahil sa ilang technicality. Iyon daw batas na lumilikha sa dalawang bagong congressional districts ng Batangas ay medyo delayed ang effectivity. Pero sabi nga ni Ate Vi, “it doesn’t matter”.
Ang talagang plano naman niya after 2016 ay magbalik sa showbusiness. In fact, buo na ang lahat ng kanyang mga plano para sa pagsisimulang muli ng pagiging aktibo niya. Hindi lang siya magiging isang artista, gusto niya ring mag-produce ng pelikula, o kaya ay makapagdirek na rin.
Pumasok nga lang ulit iyang pagtakbo niya sa isang congressional seat nang lumabas ang batas na iyon at talagang ipinagpipilitan sa kanya ng mga taga-Batangas na tumakbo para sa nasabing posisyon.
Pero kung hindi nga matutuloy dahil sa technicality ng batas, ok lang naman kay Ate Vi. Sa katunayan, mas matutuwa nga ang mga fans niya. Matutuloy ang kanyang Plan A, na ibig sabihin balik showbiz na siya talaga. Iyan ang matagal nang hinihintay ng karamihan sa showbiz. Makagagawa na siya ng mas maraming pelikula. Baka matuloy na rin ang matagal nang binabalak na TV show niya.
Sinagutan na nga niya ang isang TV offer, hindi nga lang natuloy dahil sa rami ng trabaho niya sa Batangas. Puro postpone hanggang sa nawala na. Ngayon may pag-asa na ngang matuloy iyon.
Alden biglaan ang pagsikat, Yaya Dub tumangging maging muse ng PBA
Tinanggihan nila ang offer na maging muse si Maine Mendoza aka Yaya Dub sa dalawang PBA teams, dahil diumano ay hindi pa siya handa para roon. Pero nakapag-shoot na siya ng commercial kasama rin si Alden Richards para sa isang food chain. Wala naman silang sinabi kung magkano ang ibinayad kay Yaya Dub para sa commercial na iyan, pero masasabi nga nating dahil sa popularidad niya sa ngayon, talagang shortest cut iyan para sa isang commercial model. Bida siya agad sa commercial, at sigurado hindi lang sa TV iyan gagamitin din sa print at sa mga billboard.
Masasabi rin nating suwerte si Alden Richards, dahil sa itinagal-tagal ng panahon na artista siya, hindi siya napansin nang ganyan, kung hindi nga lang dumating iyong AlDub. Ang nangyari kay Alden ay masasabing suwerte. Hindi pinaghandaan. Wala naman sa plano. Nagkataon lang at kinagat naman ng mga tao. Kung naghahanda man si Alden sa kanyang career, hindi para sa AlDub. Maski nga siguro siya hindi masasabing talagang plano nila iyan. Suwerte lang talaga.
Iyong kanilang pagkikita na “hinadlangan ng plywood”, ay nakakuha ng 5.8-M na tweets. Kagaya nang sinasabi namin, hindi ibig sabihin limang milyong tao rin iyon dahil ang isang tao makakapag-post kahit na isandaan gamit ang isang hashtag. Pero kung may ganoon karaming posts, matindi talaga iyan.
Hindi rin basta-basta ang nagpo-post. Maski na mga artista, at maski na iyong mga taga-ABS-CBN, hindi nila mapigil at may posts sa kanilang social media account tungkol sa AlDub. Siguro kahit na takutin nila ang mga artista na basta nag-post tungkol sa AlDub hindi na makakapag-guest sa It’s Showtime, hindi pa rin titigil ang mga iyan. Tanggap na namin ang katotohanan, na sa ngayon we are dealing with a phenomenon. Iyong craze ngayon, parang si Aga Muhlach noong 1984. Ganyan noon eh, walang pinag-uusapan ang mga tao kung ‘di si Aga.
- Latest