Kaya kahit sa SONA ‘di lumutang Ate Vi mas gustong tumakbo sa shooting kesa sa pulitika!
Umiiwas nga siguro si Governor Vilma Santos sa anumang usapang may kahalong pulitika, at iyan ay para bigyang diin ang sinasabi niyang hindi na siya interesado sa anumang posisyon pagkatapos ng 18 taong serbisyo publiko at gusto na niyang magbalik-showbiz naman. Maliwanag naman ang kanyang dahilan kung bakit. Gusto rin naman niyang makapagpahinga ng tama at na-realize niya na hindi niya magagawa ‘yan kung mananatili siya sa posisyon.
Kung totoo man na bilang isang artista, kung minsan ay kailangan siyang nasa isang magdamagang shooting, hindi naman araw-araw nangyayari ang ganoon. Samantalang sa loob ng labing walong taon niya bilang opisyal ng gobyerno, “wala ka man sa office naroroon pa rin ang attention mo kahit na gabi na, lalo na kung may problema o may kalamidad”.
Sabi nga ni Ate Vi, madalas inaabot sila ng gabi ni Senador Ralph Recto sa pag-uusap sa mga bagay-bagay na kailangang gawin, o kung papaano sila maaaring magtulungan para sa kanyang nasasakupan. At minsan nga raw hanggang sa pagtulog iyon pa rin ang nasa isip niya. Kung sabagay nakikita naman iyon sa kanyang naging performance sa loob ng 18 taon.
At nagkakasakit na nga rin si Ate Vi, at iyon ay dahil sa sobrang pagod na rin. Kaya nga maski na si Senador Ralph, nagsasabing dapat magpahinga na muna sa pulitika si Ate Vi at balikan na lamang ang kanyang first love, ang showbusiness.
Kaya kung napansin ninyo, hindi rin nakita si Ate Vi noong nakaraang State of the Nation Address (SONA), samantalang dati ay lagi naman niyang sinasamahan ang asawang senador. Umiiwas na rin siguro siyang matanong na naman kung ano nga ba ang balak niyang takbuhang kasunod, “kasi tatakbo na ako sa shooting ng pelikula ko,” ang pabiro pa niyang sabi. Na-delay nga naman ang trabaho niya sa pelikulang ‘yan dahil sa dami ng kailangan niyang harapin bilang gobernador, at kailangan na niyang matapos ‘yon.
Pero siyempre hindi pa rin matigil ang mga usapan, dahil totoo rin naman na marami pa ang umaasa na magpapalit pa siya ng desisyon. Bahala sila.
Willie ramdam na hindi na gusto ng masa?!
Makabuluhan iyong pangaral ni Willie Revillame sa mga kapwa niya artista, na basta kumita sila kailangan nilang mag-ipon at mag-invest agad, para kung dumating man ang araw na hindi na sila sikat ay hindi naman sila maging kawawa.
Tama rin ang sinabi niya na “basta wala ka nang ratings, hindi ka na bida”.
Iyong sinabi niyang huli, siguro nga ay masasabing batay na rin sa sarili niyang karanasan. Noong araw na top rater ang kanyang programa, aba kahit na anong network makikipag-agawan para makuha siya. Ngayon kailangan niyang maging isang blocktimer at magbayad ng airtime sa isang network para lamang mailagay on air ang kanyang programa. Natural mabigat iyon kaya napilitan na rin siyang itigil na muna ang kanyang show habang walang nakukuha na hustong advertising support.
Pero may ambisyon siyang maibalik ang kanyang daily show, kahit na 30 minutes lamang daw.
Palagay namin mas mabigat iyon. Ilang contest lang ang puwede sa thirty minutes? Ilang commercials lang din ang puwede mong ipasok? Kung sabagay, hindi member ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ang GMA-7 kaya hindi sila sumusunod sa anumang limitasyon sa bilang ng commercials. Pero hindi rin naman payag ang advertisers kung tambak na ang commercials. At magkano aabutin ang airtime niya a week?
Iyon muna ang dapat niyang isipin.
- Latest