Ate Vi kailangan pa ring magpahinga, best actress award hindi personal na natanggap!
Hindi naman totoo iyong sinasabi ng iba na ini-snub ni Governor Vilma Santos ang huli niyang napanalunang Best Actress award. Talaga lang hindi siya nakapunta dahil kailangan pa niya ng pahinga. Saka alam naman ninyo ang mga ganyang awards, may kasunod iyang puyatan. At iyon nga ang iniiwasan niya.
Idagdag mo pa ang ilang sunud-sunod na araw na baha sa Metro Manila. Talagang hanggang maaari ay ayaw na munang lumabas ng bahay ng mga tao. Iyon din naman kasi ang sinasabi sa atin eh, kung hindi matindi ang pangangailangan, dapat tumigil na muna tayo sa bahay dahil kung hindi malaking problema ang traffic at baha ang haharapin mo. Kami nga naranasan namin iyan noong isang gabi na umikot kami hanggang sa Caloocan para makarating sa Quezon City mula sa Pasay.
Pero isang bagay ang sigurado, ikinatutuwa ni Ate Vi ang panalong iyon. Isipin ninyo, isang pelikula lang ang nagawa niya noong nakaraang taon, indie pa, tapos nanalo pa ng ganyang award. Pero siguro ang mas nakakatuwang malaman ay ang katotohanan na sinasabi nga nilang iyon ang “highest grossing indie film”, dahil bihira sa mga pelikulang indie ang kumikita, pag ipinalabas na sa mga sinehan. Lately nga may isang pelikulang indie na tatlong araw lang sa mga sinehan kahit na may kahati pa eh.
Kasi basta indie ang isang pelikula, asahan mo nang kahit na papaano, sakripisyo ang kalidad niyan dahil maliit ang budget eh. Hindi mo maaasahan sa isang indie iyong bonggang production values ng pelikula. Eh iyan namang Ekstra, talagang ginawa ni Ate Vi for experience lang. Gusto rin niyang maranasan kung papaano ang gumawa ng indie.
Pelikula ni direk Chito may kinalaman sa kaso ng alaga na si Vhong?!
Nagtatawa lang si Direk Chito Roño sa mga tanong sa kanya kung ang pelikula daw ba niyang The Trial ay isang kumentaryo rin sa judicial system sa bansa. Sabi ni Direk Chito, hindi naman daw, dahil kung siya ang gagawa ng isang film commentary hindi puwedeng ganoon lang kaikli.
Kasi ang kuwento ng The Trial ay tungkol sa isang rape case, at alam naman natin na si direk Chito ang manager din ni Vhong Navarro na apat na beses sinampahan ng kasong rape. Tatlo na sa mga kasong iyon ang dismissed, iyong dalawang naunang isinampa ni Deniece Cornejo, at iyong isa pang isinampa rin ni Roxanne Cabañero. Kaya sabi nga nila, mukhang kabisadung-kabisado na nga raw ni Direk ang mga kasong rape.
Pero mabilis at natatawa niyang sinabing, “hindi ko naman kaso iyon”.
Isa sa sinasabing pinakamahirap na kaso ay ang rape. Kasi nga wala halos witness na makukuha riyan, hindi kagaya ng ibang mga krimen na posibleng may magpatotoo sa mga sinasabi.
- Latest