Pacquiao napasarap ang tulog, hindi nag-ensayo sa gym
![Pacquiao napasarap ang tulog, hindi nag-ensayo sa gym](https://media.philstar.com/images/articles/manny-pacquiao_2016-10-26_00-10-40.jpg)
LOS ANGELES – Dahil umulan habang siya ay nasa kainitan ng pagbabatak ng katawan sa Griffith Park kahapon ng umaga ay napauwi nang wala sa oras si Manny Pacquiao.
Matapos mananghalian ay napahiga sa pagod at jetlag si Pacquiao at nakatulog ng ilang oras.
Dahil dito ay hindi na siya nakapag-ensayo sa Wild Card Boxing Gym ni trainer Freddie Roach.
“He worked very hard in the Philippines and I think Manny’s there,” wika ni Micahel Koncz, ang Canadian adviser ni ‘Pacman’.
Nanatili lamang si Pacquiao sa kanyang tahanan imbes na dumiretso sa Wild Card para mag-ensayo.
“We’re ready to fight,” paniniyak naman ni Koncz sa kondisyon ni Pacquiao.
Halos dalawang linggo na lamang bago labanan ni Pacquiao si world welterweight titlist Jessie Vargas sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas ay sinabi ni Koncz na gusto nilang makatiyak na hindi masosobrahan sa pagsasanay si Pacquiao.
Tumakbo ang 37-anyos na si Pacquiao sa kabundukan ng Griffith Park noong Lunes ng umaga bago umulan.
Maaaring napasobra ang tulog ni Pacquiao hanggang hapon dahil sa kapaguran at jet lag.
Sa halos dalawang buwan niyang pagsasanay sa Maynila ay naging abala rin si Pacquiao sa kanyang trabaho sa Senado.
Dalawang beses din siyang hindi nakapag-ensayo matapos magkaroon ng sipon.
Dahil walang bundok na tatakbuhan si Pacquiao sa Maynila kaya nakuntento siyang magpapawis sa loob ng Forbes Park tuwing umaga.
Huli niyang inakyat ang Griffith Park sa kanyang paghahanda sa ikatlo niyang laban kay Timothy Bradley, Jr. noong Abril.
Inaasahang irereklamo ni Pacquiao ang pananakit ng kanyang binti sa nakatakdang sparring session ngayon.
“This training camp had a lot of hurdles and obstacles. I know because I was with him every day,” sabi ni Koncz. “To get up every morning and jog and go to the senate the whole day and go to training, that cycle is wearing him out.”
Subalit hindi isang super human si Pacquiao.
“He has worked hard,” wika ni Koncz.
- Latest