Affidavit inilabas vs De Lima at Trillanes sa tangkang pagpatay kay Jaybee
MANILA, Philippines – Isang sinumpaang salaysay ng high profile inmate na si Tomas Donina ang inilabas ng Department of Justice na umaming sumaksak kay Jaybee Sebastian sa loob ng New Bilibid Prisons noong September 28, 2016.
Sa limang pahinang affidavit na may petsang October 8, 2016, ay idinetalye ang sinasabing ugnayan nina Senador Antonio Trillanes at Senador Leila de Lima sa utos na ipapatay umano si Sebastian.
Hindi pinangalanan ni Donina ang kanyang mistah sa Philippine Navy na kumausap sa kanya at nagparating ng utos umano nina Trillanes at De Lima na mapatahimik si Sebastian upang hindi makapagsalita laban kay De Lima.
Kinausap umano siya ng kanyang mistah sa pamamagitan ng cellphone at sa mga panahong iyon ay nagsisimula na ang imbestigasyon sa Kongreso kaugnay ng kalakaran ng iligal na droga sa Bilibid.
Ayon sa kanyang mistah, mapapalaya si Donina sa bilangguan kung magagawa niyang patayin si Sebastian at sa oras na mapatalsik sa Malacañang si Duterte.
Ang eksaktong salita umano ng kanyang dating kasamahan sa Philippine Navy ay “babagsak ang administrasyong Duterte.”
Tinangka pa raw ni Donina na makausap kahit sa telepono si Trillanes para kanyang mabosesan pero tumanggi raw ang senador na siya ay makausap at dapat silang dalawa lamang ng kanyang mistah ang nakakaalam sa planong pagpatay kay Sebastian.
- Latest