Ang Shotgun ni Tatay
IKINUWENTO lang ito ng isang kaibigan para ibahagi ko sa aking mga mambabasa:
Ako ang panganay sa limang babaeng magkakapatid. Palibhasa ay wala akong kapatid na lalaki, ako ang sumasama sa aking ama at ina kapag binibisita namin ang aming bukid sa probinsiya. Kapag malapit na ang anihan ng lansones, saging, mangga o palay, tumatagal kami sa bukid ng ilang linggo. May maliit kaming bahay sa bukid na tinutuluyan namin kapag panahon ng anihan. Kapag ganoong panahon, may dala kaming armas dahil may mga pangyayaring inaakyat ng magnanakaw ang bahay ng mga may-ari ng taniman. O, kaya, ang mismong mga puno ang kanilang inaakyat. Inuunahan nila ang may-ari na umani ng mga prutas.
Lahat kaming magkakapatid ay marunong gumamit ng shotgun. Wala kaming pambayad sa bodyguard kaya sinikap ni Tatay na turuan kaming gumamit ng baril. Ang mayayamang may malawak na taniman sa aming probinsiya ay may mga bodyguard.
Na-stroke si Tatay noong 70 years old siya. Binawian siya ng buhay pagkatapos siyang maospital ng isang linggo. Pagkaraang ilibing si Tatay, saka ko naalaala ang shotgun. Tiningnan ko ito sa dati nitong pinaglalagyan pero wala. Malapit nang mag-ani noon ng mangga. Kailangan ko iyon pag-uwi ko sa aming bukid. Hindi rin alam ng aking ina kung saan ito itinago na aking ama.
Dumating ang anihan, umuwi ako sa aming probinsiya na walang dalang armas. Hindi sumama ang aking ina dahil may trangkaso. Ang mga kapatid ko naman ay may mga trabaho kaya wala akong choice kundi mag-isa. Pagdating ko sa bukid ay sinamahan ako ng aking tiyo at pinsan sa aming bahay. Doon sila natulog kinagabihan.
Nang gabing iyon ay nanaginip ako. Kinakausap ako ni Tatay.
“Anak tingnan mo ang shotgun sa kisame ng kuwarto namin ng iyong ina. Doon ko itinago. “
Bigla akong nagising. Pinuntahan ko ang kuwarto ng aking mga magulang. Gamit ang hagdang yari sa metal, binuksan ko ang lihim na taguan sa kisame. Totoo nga, naroon ang shotgun! Naalaala ko: Sa bukid inabot ng stroke si Tatay kaya nakalimutang dalhin ito pagluwas namin sa Maynila. Ilang minuto ang lumipas, nagising ang aking tiyo at pinsan dahil may nadinig silang kaluskos sa likuran ng bahay. Sumilip sila mula sa kusina, nakita nilang may isang aninong umaaligid sa bahay.
“May magnanakaw! Umakyat sa puno ng mangga!” sigaw ni Tiyo
Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa shotgun. Lumabas ako sa kusina at nagpaputok paitaas.
“Kung sino ka man, bumaba ka! Alam naming nariyan ka sa itaas ng puno!”
Katahimikan.
Muling nagsalita si Tiyo. “Kung hindi ka bababa, bala na ang paaakyatin namin diyan!”
Sumuko ang magnanakaw. Akala raw ay nag-iisa ako kaya lumakas ang loob na magnakaw. Tamang-tama ang pagpapakita ni Tatay sa panaginip.
- Latest