2 pang dawit sa droga, utas
MANILA, Philippines – Dalawang lalaki na kabilang sa mga drug personalities sa Quezon City ang nasawi habang tatlo pa ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-drug operations ng mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-SOTG) ng dalawang himpilan ng pulisya, sa bisperas ng Undas, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat kay QCPD Director P/Senior Supt. Guillermo Eleazar ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ang mga nasawi ay nakilalang sina Tiburcio Ignacio, alyas Boy, ng Hilario Compound Majaas St., Brgy.Patayas B, QC; at isang Jesus Madula.
Base sa pagsisiyasat, ang mga suspek ay nasawi makaraang manlaban sa mga operatiba ng SAID-SOTG ng Police Station-4 at Police Station-6 ng QCPD na nagsagawa ng buy-bust operation laban sa kanila.
Dakong alas-3:45 ng hapon nang magsagawa ng operasyon ang tropa ng SAID-SOTG ng PS-6 kay Ignacio sa may tahanan nito sa Hilario Compound Majaas St., Brgy. Patayas B sa lungsod.
Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang isang kalibre .38 baril, drug paraphernalias, isang malaking sachet na naglalaman ng mga plastic sachet ng shabu.
Samantala, dakong alas 10:50 ng gabi nang masawi naman sa operasyon na ginawa ng SAID-SOTG ng PS-4 sa pamumuno naman ni P/Senior Insp. Randy Lladeral si Madula.
Sa nasabing operasyon, nadakip din ang mga suspek na sina John Porciuncula, alyas John-John, 35; Roger Aquino, alyas Pong-Pong, 48; at Lyka Dumacil, alyas Tabay, 36. Sila ay pawang mga residente sa Masaya St., ng Brgy. Gulod, Novaliches sa lungsod.
Nangyari ang insidente sa may isang bahay na matatagpuan sa San Agustin St., ng naturang lugar kung saan ang target ng buy-bust operation ng PS-4 ay si Aquino.
Pero nang maganap ang palitan ng items ay nakatunog si Aquino at nagtatakbo papasok sa naturang bahay kung saan naroon si Madula. Kaya naman ng habulin ng mga operatiba si Aquino sa loob ay sinalubong sila ng mga putok ni Madula sanhi para gumanti ng putok ang mga una at malubhang ikinasugat nito.
Nagawa pang maitakbo ng mga operatiba si Madula sa Novaliches District hospital pero idineklara rin itong patay, dakong alas 11:17 ng gabi. Habang inaresto naman ang tatlo pang suspek.
Narekober ng mga otoridad sa crime scene ang isang kalibre .9mm, dalawang improvised handgun at limang sachets ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.
- Latest