City University of Pasay, pasado sa pamantayan ng CHED
MANILA, Philippines - Ipinagmalaki kahapon ng pamahalaang lungsod ng Pasay ang pagkakapasa sa pamantayan ng Commission on Higher Education (CHED) ng kanilang City Univeristy of Pasay (CUP).
Sinabi ni Pasay City Mayor Antonino Calixto na isa ang CUP sa 12 lokal na unibersidad at kolehiyo na pumasa sa pamantayan ng CHED sa “physical plants and facilities” sa ilalim ng Ched Memorandum Order (CMO) no. 32 series 2006 na nagsasabi na kailangan ng isang lokal na kolehiyo ng sapat na imprastruktura, laboratory facility, silid-aklatan, at mga miyembro ng faculty o mga guro na may “masteral at doctoral degrees”.
Hindi naman kampante dito si Calixto na nangakong lalo pang patataasin ang antas ng edukasyon at ng mga pasilidad ng kanilang lokal na unibersidad para sa kanilang mga nasasakupan na mahihirap na estudyante.
Kasalukuyang may populasyon ang CUP na 12,134 para sa taunang pampaaralan 2011-12. Kabilang dito ang 3,840 freshman na mga bagong nag-enroll nitong nakaraang Mayo. Para sa kasalukuyang taunang pampaaralan, naglaan ang pamahalaang lungsod ng P3.7 milyong pondo para sa “scholarship grants” sa mga kuwalipikadong mag-aaral.
Itinatag ang unibersidad noong Mayo 26, 1994. Kasalukuyang nagbibigay ito ng mga kurso sa edukasyon, law, business administration, nursing, health education, hotel and restaurant management, at computer education. Nagbibigay rin ito ng “degree programs” sa education management at public governance.
- Latest
- Trending