Lopez kinasuhan ng graft ng mining company sa Ombudsman
MANILA, Philippines - Kinasuhan kahapon ng graft at iba pang kaso sa tanggapan ng Ombudsman ng Citinickel Mines Development Corporation (CMDC) si DENR Sec. Gina Lopez.
Kinasuhan din ng illegal exaction at paglabag sa Code of Etchical Standards for Public Officials and Employees gayundin ng paglabag sa Red Tape Act of 2007 si Lopez.
Sa 41 pahinang reklamo, binigyang diin ni Atty. Lorna Kapunan, abogado ng CMDC, dapat managot si Lopez sa batas dahil sa ginawang pagsapaw sa tungkulin.
Unang kinuwestyon ng kumpanya ang pag-iisyu ni Lopez ng dagdag na requirement sa pagkuha ng Mineral Ore Export permit gayung ito ay gawain ng Mines and Geoscience Bureau kayat walang otorisasyon ang Kalihim hinggil dito.
Sa pagpapalabas ng bagong requirement sa MOEP, inaatasan sila ng kalihim na magbayad ng P2 milyon para sa bawat ektarya ng minahan.
Niliwanag ni Kapunan na nag-deposito na ang kumpanya ng P2 M para sa 130 ektaryang minahan nila ng nickel para hindi maipit ang kanilang MOEP sa ahensiya. Per shipment ay kailangang may MOEP.
Binigyang diin ni Kapunan na hindi na katanggap-tanggap ang ginagawang pagpapalabas ng mga kautusan ni Lopez na naglalagay sa kanila ng dagdag na malaking gastusin gayung nagbayad na sila ng P47.7 milyon para sa contingent rehab trust fund at P11.4 recommissioning trust fund na rekisitos din ng DENR para sa mga mining company sa bansa.
Kinuwestyon din ni kapunan kung ano ang basehan ni Lopez sa pagtatakda ng P2 million trust fund gayung wala namang maipakitang benepisyaryo para dito ang kalihim dahil walang mga apektadong mamamayan ang kinaroroonan ng kanilang minahan.
- Latest