Cover-up itinanggi ng DOTR, MRT-3: MRT-3 nadiskaril, bagon kumalas sa riles
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) at ng Metro Rail Transit (MRT) na isang tren ng MRT-3 ang nadiskaril noong Martes ngunit nilinaw na wala silang planong itago ito sa publiko at wala ring sinumang nadisgrasya sa pangyayari.
Ayon kay MRT-3 Officer-In-Charge (OIC) Director for Operations Deo Manalo, dakong 8:00 ng gabi ng Martes nang maganap ang pagkasira ng isang tren ng MRT-3 sa North Avenue Station nito sa Quezon City.
Wala naman umanong nadisgrasya rito dahil nakapagbaba na ang mga pasahero ng tren at pabalik na sana upang bumiyaheng muli nang maganap ang insidente.
Iginiit naman ni Manalo na walang naganap na cover up sa pangyayari o hindi nila plinanong itago ito sa publiko dahil kinabukasan (Miyerkules) ay kaagad silang nagpatawag ng press conference upang ipaalam ito sa publiko.
Aminado rin naman si Manalo, na bagamat “single bogie derailment” lamang ang nangyari at hindi naman “catastrophic” at wala ring nasaktang pasahero, ay seryosong aksidente pa rin ito.
Ganito rin naman ang pahayag ni Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez, at sinabing, “No cover-up and we at DOTr will never allow a cover-up.”
Sa katunayan nga aniya ay ipinakalat pa nila sa internet at maging sa mainstream media ang kanilang findings.
Nag-tweet din umano sya at itinangging hindi ‘grasa’ at ‘init ng panahon’ ang dahilan ng pagkasira ng tren ng MRT-3, tulad ng sinasabi ng maintenance provider nito na Busan Universal Rail Inc. (BURI).
Aniya, lumitaw din sa report ni Manalo at ng independent consultant ng MRT-3 na Seoul Metro JV kay Transportation Secretary Arthur Tugade, na ang derailing ay sanhi ng mechanical problem, na “logical” na konsekwensiya ng pangit na maintenance ng Busan.
Ang pahayag na ito ng MRT ay kaalinsabay naman sa pagbubulgar ng isang kongresista ang malaking kapahamakan nangyari nang kumalas ang bagon sa riles dyan sa may MRT 3 North Avenue station noong Martes ng gabi at itinago ito ng management sa kaalaman ng publiko.
Sinabi ni Puwersa ng Bayaning Atleta Rep. Jericho Nograles, ang nangyaring insidente ay itinago sa publiko para hindi malaman ang nangyaring kapabayaan at inefficiency sa ‘deadly-incident’ nang maintenance provider nito ang Busan Universal Rail Inc (BURI) para hindi ipaalam ang totoong kalagayan ng MRT 3 system.
- Latest