Alab Pilipinas winalis ng Singapore
MANILA, Philippines - Muling nabigo ang Alab Pilipinas na pahabain pa ang best-of-three semifinal series matapos matalo sa Singapore Slingers, 82-64 kahapon sa Game Two ng ASEAN Basketball League na ginanap sa Baliwag Star Arena sa Baliwag, Bulacan.
Malaking bagay din ang pagkawala nina Bobby Ray Parks Jr. at Jeric Fortune dahil sa injury kaya kinapos ang mga Pinoy dribblers sa krusyal stretch ng laban at naglaho ang pag-asang umusad sa finals matapos malubog sa 0-2 sa semis series.
Ang kapwa Pinoy din na si Josh Urbiztondo ang nagpatalo sa Alab Pilipinas nang umiskor ang Fil-Am na dating PBA standout ng 20 puntos para sa 2-0 sweep ng Singapore. Nagwagi rin ang Slingers, 77-67 sa Game One noong Linggo.
Ang Slingers ay pinangunahan ng import na si Xavier Alexander sa kanyang 21 puntos. Siya rin ang umarangkada sa opening game ng serye.
Si Justin Howard ay tumulong din ng 18 points para sa mga Singaporeans.
“Definitely not the ending we wanted, but we clawed and clawed. We showed flashes of what we could do. It’s just terrible that we’re up and down throughout the game. We showed that we could compete this team,” sabi ni Alab coach Mac Cuan.
Sa ikalawang pagkakataon, maganda sana ang ipinakita ni dating Ateneo star Kiefer Ravena ngunit hindi sapat ang kanyang 16 puntos upang mamayani ang koponan.
Bukod kay Ravena, umani rin ng 18 puntos at 13 rebounds si Lawrence Domingo.
Dahil sa kanilang panalo, uusad ang Singapore Slingers sa finals laban sa top seed Hong Kong Eastern Lions na tumalo rin sa Saigon Heat ng Vietman sa parehong 2-0 sweep sa ibang semis match.
Sa kabubuan, nangunguna ang Slingers sa assists, 19 kumpara sa 11 lamang ng Alab at gumawa pa ang winning team ng 43 porsyento sa perimeter shooting sa kanilang 7-of-16 habang 2-of-15 lamang ang mga Pinoy.
- Latest