Martinez nabigo sa Olympic berth
MANILA, Philippines - Para makakuha ng puwesto para sa 2018 Winter Olympics ay kailangan pa ni Filipino ice skating star Michael Martinez na sumabak sa qualifying event sa Germany sa Setyembre.
Ito ay matapos mabigo ang 20-anyos na si Martinez na masikwat ang No. 24 spot sa kabila ng naitalang 196.79 points sa World Figure Skating Championships sa Helsinki.
“The next qualifying event for us will be at the Nebelhorn Trophy in late September. Six spots to be awarded for singles skating,” sabi ng Philippine Skating Union sa kanilang Twitter account.
Ang Nebelhorn Trophy ay nakatakda sa Setyembre 27-30 sa Oberstdorf, Germany.
Ang Top 24 skaters sa men’s singles event ay makakakuha ng tiket para sa Winter Games, ngunit ang inupuang No. 24 spot ni Martinez ay napasakamay ng bansang may dalawang atletang nakapasok sa Top 13.
“Yes, Michael Martinez finished at the Top 24 at Worlds, but with other countries earning multiple spots, the 24 spots were quickly filled,” paliwanag ng Philippine Skating Union.
Ang mga bansang nasa Top 13 at may dalawang atleta ay pinapayagang magdala ng isa pang skater sa 2018 Winter Games na idaraos sa Pyeongchang, South Korea.
Ang Japan (1st at 2nd), Canada (5th at 9th), United States (6th at 7th) at Russia (8th at 11th) ay maaaring magdagdag ng ikatlong skater sa kanilang tropa.
Noong 2013 edition ng nasabing event ay nakasikwat ang 20-anyos na si Martinez ng tiket para sa 2014 Sochi Olympics at hinirang na unang skater mula sa Southeast Asia na nakagawa nito.
At kumpiyansa si Martinez na muli niya itong magagawa.
- Latest