Lady Bulldogs buhay na buhay
MANILA, Philippines - Nanatiling buhay ang pag-asa ng National University sa Final 4 nang kanilang silatin ang nangungunang Ateneo, 17-25, 25-23, 22-25, 25-21, 15-13 sa women’s division ng UAAP Season 79 volleyball tournament sa kanilang laro na ginanap sa FilOil Flying V Centre sa San Juan kahapon.
Kumana ng 25 puntos ang kanilang middle blocker ace na si Jaja Santiago na sinegunda-han ng 12 puntos ni Aiko Urdas para makuha ang 2-0 record sa kanilang head-to-head match.
Sa pangalawang sunod na laro, muling ibinangko ni NU head coach Roger Gorayeb ang kanyang mga libero na nagbunga uli ng panalo bagama’t naging dahilan ito upang maiskoran sila ng 20 service aces ng Ateneo.
“Pinanindigan ko talaga, dalawang araw kaming nag-ensayo parang sinuspinde ko sila,” pahayag ni Gorayeb. “Nag-practice kami talaga ng ganyan para sa team namin ng walang libero.”
Naibsan naman ng kaunti ang kanilang kawalan ng libero dala ng pinagsamang 24 na digs nina Risa Sato at Jorelle Singh.
Nakuha ng NU ang solo third place sa kanilang pag-angat sa 7-4.
Samantala, may tsansa pa rin ang University of the Philippines sa Final 4 matapos igupo ang Adamson, 25-15, 25-16, 25-20.
Nanguna para sa UP si Isa Molde na nagtala ng 15 puntos, anim rito ay service aces na nag-angat sa UP sa 6-5.
Sa men’s division, kinubra ng nagdedepensang Ateneo (11-0) ang kanilang panlabing-isang sunod na panalo kontra sa Adamson (2-9), 25-18, 25-20, 25-14 habang tinapos naman ng FEU (6-5) ang kanilang three-game losing skid matapos payukuin ang UE (1-10), 25-19, 25-22, 25-13. FML
- Latest