Seigle puwede pa sa Katropang Texters
MANILA, Philippines - Hindi pa iiwanan ni Danny Seigle, isa na lamang sa dalawang natitirang active PBA players mula noong 1990s, ang liga.
Ito ay matapos tanggapin kahapon ni Seigle, ipagdiriwang ang kanyang ika-41 taon sa Hunyo, ang isang one-conference contract extension deal na inialok ng TNT KaTropa.
Muling maglalaro si Seigle sa Tropang Texters na pansamantalang iiwanan nina Jason Castro, Troy Rosario, Roger Pogoy at posibleng si Moala Tautuaa para sa kanilang pagtulong sa Gilas Pilipinas sa darating na SEABA Championship sa Mayo.
“We value the performance he showed in the (Philippine Cup) semifinals against San Miguel Beer, and he’s excited with the job of mentoring his young teammates. And so he’ll continue to play,” ani TNT team manager Virgil Villavicencio.
Bukod kay Seigle, hinirang na 1999 PBA Rookie of the Year, ang iba pang nasa lampas 40-anyos ay sina Asi Taulava, Jayjay Helterbrand at Mick Pennisi.
Sina Alaska Milk shooter Dondon Hontiveros at Star center Rafi Reavis ang dalawa pang PBA veterans na magiging 40-anyos ngayong taon.
Nagbigay ang dating Wagner U stalwart ng quality minutes sa pagharap ng Tropang Texters sa nagkampeong San Miguel Beermen sa kanilang PBA Philippine semifinal series.
Nagtala si Seigle ng 4 points, 2 blocks at 1 rebound sa kanyang duwelo kay June Mar Fajardo sa 98-92 panalo ng TNT Katropa sa Game Three.
Sa inaasahang pagkawala ng kanilang mga major stars sa darating na Commissioner's Cup ay sasandal ang Tropang Texters kay import Denzel Bowles.
Sina reserves Al Francis Tamsi, Levi Hernandez at Oping Sumalinog ang sasalo sa maiiwang trabaho nina Castro, Rosario at Pogoy.
- Latest