Death penalty hindi iri-railroad sa Senado
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng ilang senador na walang mangyayaring railroading at sikretong boto sa panukalang pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.
Ayon kay Sen. Bam Aquino, dapat hayaan ng Senado na gumalaw ang tamang proseso sa panukalang ibalik ang death penalty.
“We will not allow it to be rushed. We must ensure that proper debate on the matter be conducted,” pahayag ni Aquino.
Ayon naman kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, malamang mahirapang makapasa sa Senado ang death bill kahit pa pumasa na ito sa second reading sa House of Representatives.
Sabi ni Recto, ang ganitong uri ng panukalang batas ay nagiging sanhi para mahati ang mga taga-majority at minority.
Aminado si Recto na mayroong mga majority senator na kontra sa panukalang death penalty.
Sinabi pa ni Recto na hindi kasama sa priority bill ng Senado ang death penalty bill.
Samantala, naniniwala naman si Aquino na dapat ihayag ng bawat senador ang kani-kanilang boto sa panukala upang magkaroon ng kalinawan at pananagutan ang bawat isa.
“We will not allow votes to be anonymous or hidden and we will ensure accountability among our colleagues,” ani Aquino.
Bilang mga kinatawan aniya ng mamamayan, dapat panindigan ng bawat senador ang kanilang magiging boto at kung kailangan ipaliwanag ang kanilang posisyon sa taumbayan.
Umani ng batikos ang Kamara matapos nitong aprubahan ang death penalty sa ikalawang pagbasa sa pamamagitan ng viva voce, o sa pamamagitan lang ng malakas na boses.
“Buhay po ang nakasasalalay dito kaya mahalaga na dumaan sa tamang proseso. Sa tingin po namin, dehado na naman ang mga kababayan nating mahihirap sa death penalty kaya tutol po kami rito,” ani Aquino.
- Latest