Karma ni Leila
ANG mga Budhist at Hindu ay naniniwala sa Karma. Kung ano ang ginawa mo sa iyong kapwa tao, mabuti man o masama ay babalik din sa iyo pagdating ng araw.
Ang mga Kristiyano ay may kahawig na paniniwala pero hindi karma ang tawag kundi - ang batas ng pagtatanim at pag-aani. Kung ano ang itinanim, yun din ang aanihin.
Magugunita na si Senador Leila de Lima, nang siya ay Justice Secretary pa ang nagsilbing prosecutor (o persecutor) ni dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo noong panahon ni Presidente Noynoy Aquino. Patung-patong na kaso ang isinampa kay GMA, na ngayo’y Representante ng Pampanga. Puro plunder o pandarambong na walang katapat na piyansa ang isinampa sa kanya. Naririyan ang paglulustay umano ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office at ang multi-milyong dolyar na NBN-ZTE deal na pinasok ng administrasyong Arroyo.
Dahil may maselang karamdaman si GMA noon, humirit siya ng hospital arrest na pinagbigyan naman. Ngunit ang masaklap, naabsuwelto na lahat ang mga co-accuse ni GMA sa PCSO scandal at hindi nag-prosper ang kaso sa NBNB-ZTE, nanatili pa rin sa kulungang-ospital ang dating Pangulo at ni hindi pinagbigyan ang kahilingang makapag-piyansa man lang o ilagay sa house arrest. Bumagsak noon ang katawan ni GMA. Nawala ang kaseksihan ng dating petite beauty.
Noon lang maupo si Presidente Duterte nagkaroon ng paborableng pangyayari kay GMA kaya lumaya na at nakabalik sa kanyang tahanan.
Ahh, politika nga naman! Kahit sino yata ang maupo ay ganyan ang nangyayari. Ang mga political opponents ang niyayari pero sa sandaling magbago ang administrasyon, lumulusot ang isang nagsasabing siya’y politically persecuted. At iyan ang sinasabi ni de Lima. Na ang lahat ng mga kasong ipinaparatang sa kanya ay politically motivated. Inihahanda na raw niya ang sarili para tanggapin na siya ang kauna-unahang biktima ng politika sa administrasyong Duterte. Tingnan mo na lang Senadora ang bright side ng kapalaran mo. Baka mangayayat ka at tumingkad ang iyong sex appeal. O di ba? Seriously, bilang Kristiyano, manalangin tayo na manaig ang tunay na hustisya at kalooban ng Panginoong Dios sa kasong ito.
- Latest