Female personality nabuko na ang pagpapanggap
Ano pa ba ang kulang para paniwalaan ng kanyang mga katrabaho ang isang female personality? Palagi kasing pinagdududahan ang kanyang mga ginagawa at sinasabi.
Parang totoong-totoo naman siyang magkuwento, parang sinsero naman ang kanyang mga sinasabi, pero kapag wala na siya ay isandaang porsiyentong pinagdududahan ng lahat ang mga pahayag niya.
Pumasok siya sa isang libangan na ginawa na rin niyang negosyo nang magtagal. Ipinagmamalaki niya ang kanyang negosyo, ipinangreregalo niya ang iba niyang produkto, ibinebenta naman ang iba.
Pero kuwento ng isang source, “Nabuking ang drama niya one day, nakausap kasi ng mga pinagreregaluhan ng mga products niya ang inoorderan niya lang pala ng mga inaangkin niyang products.
“Hindi naman pala siya mismo ang gumagawa ng mga ‘yun, maramihan lang niyang binibili sa isang shop, siya na lang ang nagpa-package gamit ang mga ipinagawa niyang box.
“Nakakaloka! Ipinakikilala niyang kanya ang mga products, pero hindi naman pala sa kanya ‘yun. Buking ang lola n’yo!” napapailing na kuwento ng isang impormante.
May bagong drama ngayon ang female personality. Lihim kuno siyang gustong pakasalan ng ama ng kanyang anak. Pero pinag-iisipan pa raw niya kung tatanggapin ang alok ng lalaki.
Sabi uli ng aming source, “Jusko, may bago nang girlfriend ang ama ng anak niya, ‘no! Napaka-feeling talaga ng babaeng ‘yun! Siya ang may gustong pakasalan siya ng guy, pero napakalayo nu’n sa katotohanan.
“Hindi siya pakakasalan ng guy, hanggang du’n na lang ang relasyon nila, ang bata na lang ang nag-uugnay sa kanila. Kung wala lang silang anak, matagal nang tapos ang nakaraan nila!
“Tama na kasi ang mga kadramahan sa buhay. Marami na siyang nabuking na gimmick. Manahimik na lang siya at baka maniwala pa sa kanya ang mga katrabaho niya!” pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Pelikula ni Nora sa MMFF ginantihan ng mga taga-INC
Mabuti naman at humingi na ng paumanhin si Nora Aunor sa mga opisyales at miyembro ng INC (Iglesia Ni Cristo at hindi Iglesia Ni Manalo). At mukhang sinsero naman ang kanyang pagso-sorry.
Bukod sa totoong nasaktan niya ang pamunuan ng relihiyon ay napakalaking bagay para sa Superstar ang kagustuhan sa kanya ng mga miyembro ng INC. Karagdagan sa kanya ‘yun at hindi kabawasan.
Puwede ngang isipin na kaya nangulelat ang kanyang pelikula sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ay dahil sa hindi panonood ng mga taga-INC sa Kabisera. Maaaring OA ang posibilidad na nangyari nga ‘yun pero lagi nating tatandaan na nakapagpapanalo ng pangulo ang INC.
Inako naman ni Nora Aunor ang kakulangan, aminado ang Superstar na nagkamali siya, kaya siguro’y matutuldukan na ang inis sa kanya ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo na tinawag niyang Iglesia Ni Manalo.
Pinakamahirap masangkot sa argumento ng relihiyon. Napakalawak nu’n. Kailangang maging sensitibo tayo sa usapin ng pananampalataya ng ating kapwa. Du’n nagpadalus-dalos ang Superstar nang hingan siya ng pahayag nang dumalo siya sa pagtitipon ng Ang Dating Daan.
Nakapagsalita siya ng mga bagay-bagay na hindi ikinatuwa ng mga miyembro ng INC at ng Romano Katoliko. Damdamin ng mga ito ay okey lang namang magpalit siya ng relihiyon pero sana’y nandu’n pa rin ang kanyang pagrespeto sa pinanggalingan niyang paniniwala.
Kapag may hawak na kasing mikropono ang personalidad at nagbubunyi pa ang lahat ng nasa kanyang paligid ay nagpapadala siya sa kanyang emosyon.
Parang may nagsususi sa kanya para makapagsalita nang hindi muna siya nag-iisip kung may masasaktan ba sa kanyang mga sinasabi.
Ang mikropono ay parang baril. Kapag naiputok na ay napakahirap nang bawiin. Nasa huli ang pagsisisi sa naunang pagmamatapang.
- Latest