^

True Confessions

Ang Magkapatid (100)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

PARANG nagdidiliryo na si Philip. Pigil na pigil naman ni Karla ang damdamin. Tama ang sabi ni Manong Nesto na makita lamang daw niya ang itsura ni Philip ay baka bu­maha ang luha niya.

“Si Ada ay hindi ko pa nakikita kahit kailan. Alam ko nag-aaral siya ng nursing. Naikuwento sa akin ni pinsang Nesto. At maganda raw ang anak ko. Si­guro ay mahusay siyang nurse. Si Ipe alam kong topnotcher siya sa CPA exams. Nabasa ko sa diyaryo. Noong kabataan ko, kamukhang-kamukha ko si Ipe. Para kaming pi­nagbiyak.

“Sana mapatawad ako ng mga anak ko. Bago man lang sana ako mawala ay makamit ko ang pagpapatawad nila. Kapag napatawad nila ako, maligaya na akong mamamatay. Hanggang dito na lang talaga ako. Sana bago ako mamatay, makita ko sila. Mara­ming taon ko nang pinapa­ngarap na isang araw ay makikita ko at makakahingi ako ng tawad sa mga anak. Malakas pa rin ang paniwala ko na mauunawaan nila kung bakit ako naging pabayang ama.

“Karla, maaari mo ba akong tulungan? Ito na ang huli kong hiling sa’yo Karla. Parang awa mo na. Alam ko mabuti kang tao at kaibigan. Ma­awa ka sa akin, Karla.’’

Hindi na na­pigilan ni Karla ang sarili. Umiyak siya. Nayug­yog ang balikat sa pag-iyak.

Nang tu­migil sa pag-iyak, hina­wakan sa braso si Philip.

“Pangako, Philip, da­dalhin ko rito ang mga anak mo. Gagawa ako ng paraan.’’

Napaiyak na rin si Phi­lip. Luha ng kasiyahan sa sinabi ni Karla.

Nang tumigil sa pag-iyak walang katapusan ang pasasalamat kay Karla.

“Salamat, Karla. Mara­ming salamat.’’

Marami pang pinagtapat kay Karla si Philip.

Hanggang sa magpa­alam na siya. Muling inulit ang pangako kay Philip na dadalhin niya rito sina Ipe at Ada.

(Itutuloy)

ANG MAGKAPATID

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with