Gawang pinoy wagi sa Yutong Bus Corporation Cup
MANILA, Philippines - Nagpasikat ang kabayong si Gawang Pinoy sa pinakatampok na karerang ginanap kagabi sa Metro Turf Club, Malvar-Tanauan Batangas.
Halos hindi napansin ng mga clockers at tipsters ang Gawang Pinoy na pag-aari ng isang may-ari ng off-track betting station na si CGB Yanuaria at kinukundisyon ni Edwin Vittali para mai-hint sa mga mananaya.
Pero bago dumating ang Yutong Bus Corporation Cup ay bahagyang nagiging paborito na ang kabayo mula sa 13 kalahok na sumali sa naturang karera.
Nang mailarga ang naturang karera ay kumaripas kaagad ng lundag ang Gawang Pinoy, na sinakyan ni Fernando M. Raquel Jr., para agawin ang unahan sa naunang Count Me In na ginabayan ni Andrew R. Villegas.
Ang pruweba na lamang na 1:26-4/5 sa distansiyang 1,400 meters na may quarter times na 13-1/2; 22-1/2; 23.0 at may dating pang 27-1/5 ang nagtatak ng panalo na nangahulugan ng P500,000 premyo na siyang pinaka-mataas sa lahat ng karerang naganap nitong Miyerkules.
Naungusan ng Joy Joy Joy na nirendahan ni Conrad P. Henson ang Count Me In para maagaw ang ikalawang puwesto.
Sa naunang dalawang karera ay ang dehadong King Bull na sinakyan ni Kevin B. Abobo at Yakumi na dinala ni apprentice Mark B. Pilapil ang nagbida. Ito ang unang dalawang karera ng DLTB/MMTCI Year Ender Trophy races.
Ang isa pang dehadong nagwagi ay ang Heart Smart na ginabayan ni E.L. Blancaflor sa isa pang DLTB/MMTCI year ender. Nasegundo lang ang unang paboritong Fiorelli kasunod ang Calm Like Dew at My Bilin. (JM)
- Latest