Kerwin ihaharap sa Senado
MANILA, Philippines - Sa Miyerkules ay haharap sa Senado ang umano’y no.1 drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa upang paharapin sa imbestigasyon ng Senate committee on public order and dangerous drugs tungkol sa pagkamatay ng kanyang amang si Ronaldo Espinora Sr.
Unang inihayag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng komite na sa Camp Crame gagawin ang hearing para na rin sa seguridad ni Kerwin, pero binawi ito matapos ang ilang oras at nagpalabas ng “notice of change of venue” para sa gagawing public inquiry.
Ayon sa isang staff ni Lacson, masyadong maliit ang lugar sa Camp Crame kaya hiniling umano ng liderato ng PNP na dadalhin na lamang nila si Kerwin sa Senado.
Sinabi ni Lacson na hindi pa niya nakakausap si Kerwin pero natanggap na niya ang kopya ng affidavit nito sa pamamagitan ng email na kung saan ay mas “extensive” o mas malawak ang affidavit at itinanggi nito na mayroon siyang blue book katulad ng kanyang ama.
Idinagdag ni Lacson na depende sa magiging takbo ng hearing kung papangalanan ni Kerwin ang mga opisyal na tumanggap ng pera at nagbigay ng proteksiyon sa ilegal na droga.
Sa pagkakaalam din umano ni Lacson ay mayroon ng “judicial affidavit” si Kerwin bagaman at hindi niya alam kung napanumpaan na niya ito.
Samantala, posibleng ipatawag din ni House Committee on Justice Chairman Reynaldo Umali si Espinosa, subalit pag-aaralan muna nila ang affidavit nito bago siya magdesisyon tungkol dito.
Titingnan anya nila kung may koneksyon si Espinosa sa drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP) na siyang sinisiyasat ng House Justice Committee.
Matatandaan na sa affidavit ng ama ni Kerwin na si Mayor Rolando Espinosa ay nabanggit ang maraming personalidad, kasama ang ilang kongresista na umanoy protektor ng kanyang anak.
- Latest