Kaso ng kapwa akusado ni GMA ibinasura ng SC
MANILA, Philippines – Ibinasura na rin ng Korte Suprema ang lahat ng kasong kriminal na isinampa laban sa mga kapwa akusado ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) scam.
Batay sa 14-na-pahinang resolution ng en banc ng Mataas na Hukuman na pinalabas ni Atty. Felipa Anama, ibinasura nito ang mga pinagsama-samang petisyon bunsod ng supervening event na pagpapawalang-sala ng Sandiganbayan sa mga dating bumubuo ng PCSO Board of Directors at ang pagkatig ng SC sa demurrer to evidence na idinulog ni Arroyo at Benigno Aguas.
Sa pagpapawalang-sala sa mga akusadong sina dating PCSO Board of Directors Manuel Morato, Raymundo Roquero,at Jose Taruc, pinaliwanag ng Mataas na Hukuman na walang actual case or controversy na nag-oobliga sa mga mahistrado kaya idinismis ang mga naturang petition.
Ibinatay ng Mataas na Hukuman ang kanilang ruling sa resolution ng Sandiganbayan noong Abril 6, 2015 na nagpapawalang-sala kina Morato, Roquero at Taruc sa kasong plunder dahil wala namang napatunayang kinamkam nila ang sinasabing pondo ng PCSO.
Napatunayan din ng anti-graft court na maging sina Dating Commission on Audit Chairman Reynaldo Villar at kapwa-akusado na si Nilda Plaras ay walang kasalanan at anumang intensiyong kriminal.
- Latest