Boss sa India, namigay ng 1,200 kotse at 400 apartments sa mga empleyado
KARANIWAN na sa India ang pamimigay ng regalo ng mga boss sa kanilang mga empleyado tuwing sasapit ang Diwali, na isang pangunahing okasyon para sa Hinduismo.
Ngunit isang partikular na boss ang laman ngayon ng mga balita dahil sa pamimigay niya ng 1,200 kotse at 400 apartments sa 1,700 empleyado ng kanyang kompanya.
Ang boss ay nakilalang si Savji Dholakia, ang bilyonaryong may-ari ng kompanyang Hari Krishna Exports na nag e-export ng diyamante.
Ayon kay Dholakia, pinili ang masuwerteng 1,700 mula sa 5,500 na mga empleyado ng kanyang kompanya base sa kanilang kakayahan at sa pagiging tapat sa kanilang tungkulin.
Tinatayang gumastos ang kompanya ng $7.7 million (katumbas ng higit P370 milyon) para sa mga regalong ipinamigay nito sa mga empleyado.
Hindi na bago para kay Dholakia ang pamumudmod ng regalo sa kanyang mga empleyado. Napabalita na noong isang taon ay namigay rin siya ng 491 na mga sasakyan at 200 na mga tirahan sa mga ito.
Hindi naman nanghihinayang si Dholakia sa dami ng kanyang ipinamimigay sa kanyang mga empleyado. Wala na raw kasing mas mahalaga pa para sa kanyang $700 milyon na kompanya kaysa sa mga empleyadong bumubuo nito.
- Latest