May pag-asa pa ang Air Force
MANILA, Philippines – Nanatiling buhay ang pag-asa ng Philippine Air Force matapos gapiin ang Philippine Coast Guard sa straight sets, 25-11, 25-19, 25-8 kahapon sa pagpapatu-loy ng Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Hindi inaasahan na magiging madali ang panalo ng Air Force na ginamit ang malakas na determinasyon para tapusin ang laban sa loob ng 60 minuto lamang para masungkit ang kanilang ikalawang panalo sa limang laban.
Sa ngayon ay tabla ang Jet Spikers at University of the Philippines sa ika-anim na puwesto sa parehong 2-3 kartada.
Pero nanganganib pa rin ang hangarin ng Jet Spikers na makapasok sa semifinal round sapagkat kailangang maipanalo nila ang huling dalawang laro laban sa UP Lady Maroons at Customs.
Kung magtagumpay sila, hindi pa rin sigurado ang semis dahil kaila-ngang manalangin na wala sa Pocari, BaliPure, Laoag at UP ang aabot sa apat na panalo pagkatapos ng eliminations.
Umabot sa 44 kills ang nagawa ng Air Force na may kasama pang-pitong aces at four blocks kumpara sa 14 kills lamang sa Coast Guard.
Samantala, Nakuha rin ng Air Force ang kanilang ikatlong panalo matapos igupo ang Philippine Army, 25-22, 27-25, 25-17 para makalapit sa semis round ng Spikers’ Turf Season 2 Third Conference sa parehong venue.
Sampu sa mga manlalaro ni coach Rhovyl Verayo ay umiskor sa pa-ngunguna ni Mark Alfafara na mayroong 14 puntos.
- Latest