Matayog ang lipad ng Lady Eagles
Dale ang top seed
MANILA, Philippines - Mablis na nakabangon ang Ateneo de Manila University sa masamang panimula bago iselyo ang 12-25, 25-20, 25-21, 25-19 panalo laban sa nagdedepensang De La Salle University para masiguro ang top seeding sa Final Four ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Buong puwersa ang inilabas ni opposite hitter Michelle Morente na umukit ng 14 puntos, 17 receptions at 15 dig habang umariba rin si middle blocker Bea De Leon na may 14 puntos tampok ang apat na aces.
Higit pang tumayog ang lipad ng Lady Eagles na umangat sa 12-2 baraha habang lumagapak sa No. 2 spot ang Lady Spikers na may 11-3 kartada.
Nunit malaking rebelasyon si Jules Samonte na kumamada ng 10 puntos para banderahan ang Lady Eagles.
Nakalikom din si Jia Morado ng 34 excellent sets kasama ang dalawang puntos.
“Maganda ang inilaro ng team. Yung posisyon ni Jho (Maraguinot), napunan ni Jules. Parang parehas lang ang first six, wala lang si Jho,” ani Ateneo assistant coach Sherwin Meneses.
Ipinahinga si Maraguinot sa ikalawang sunod na laro.
Apat na Lady Spikers ang may double digits sa pangunguna nina Season 78 Finals MVP Kim Dy na may 15 puntos at Desiree Cheng na may 13 puntos. Nagrehistro ng 11 si Mary Joy Baron at 10 naman si Tin Tiamzon.
Subalit nakagawa ang La Salle ng 36 errors na siyang humatak sa kanila pababa.
Makakaharap ng twice-to-beat Ateneo sa Final Four ang Far Eastern University.
Sa unang laro, sinakmal ng University of Santo Tomas ang huling tiket sa Final Four nang pataubin ang National University sa pamamagitan ng 20-25, 19-25, 25-22, 25-21, 15-12 come-from-behind win.
Nagsanib-puwersa sina Cherry Ann Rondina at EJ Laure nang pareho itong kumana ng 22 puntos habang malakas na suporta ang ibinigay nina Christine Francisco at Marivic Meneses na nagtala ng pinagsamang 21 puntos para sa Tigresses.
Sumulong ang Tigresses sa 9-5 rekord sa pagtatapos ng eliminasyon upang kubrahin ang No. 3 seeding sa semis.
Sasagupain ng UST sa semis ang twice-to-beat La Salle.
Humataw si Jaja Santiago ng 30 puntos mula sa 25 attacks, apat na aces at isang block samantalang nagsumite si Jorelle Singh ng 13 puntos, 11 si Roselyn Doria at siyam naman si Risa Sato pero hindi pa rin ito sapat para makuha ang panalo.
Sa men’s division, humataw ng 16 puntos si reigning MVP Marck Espejo para dalhin ang Ateneo sa 25-17, 25-21, 25-16 panalo laban sa NU na siyang naging daan upang makumpleto ang 14-0 sweep sa eliminasyon.
Kalakip ng sweep ang awtomatikong tiket sa finals tangan ang thrice-to-beat advantage.
Samantala, nagsumite si NU head coach Roger Gorayeb ng courtesy resignation upang bigyan ang NU management na pagkakataon na rebisahin ang programa nito.
- Latest