‘Why I’m Patay Na Patay Sa TV’
Ang Poet N’yo ay napapangiti sa t’wina
Kapag nababalikan at naaalala —
Noon nakakainom lang ng Coca-Cola
Pag merong natira sa baso ang bisita!
Bwahahaha! Totoo ‘yan mga barkada,
Ganyan kami nung Mil Novecientos Cincuenta!
May kaba pang nakasilip sa may kurtina,
Baka higupin huling patak ng bisita!
At tila ba hindi na inaalintana
Kung kumakahol at may ubo ang bisita!
Tila “luho” na kasi nun ang mga cola,
Pag may sakit ka bigay lang sarsaparilya!
Wala pa ngang yelo at makakasama raw,
Ngek! Ice kasi nun ginagawa pang kendi, wow!
Pag nahulog sa trak asukal isasawsaw!
Pag may sakit ka pagkain mo lang ay lugaw!
Pag nilagnat ka nga bago bigyan ng gamot,
Dadalhin ka muna sa isang manghihilot!
Suka lang sa noo’t basta ‘wag lang malikot,
Komiks lang pang-aliw nang hindi ka malungkot!
Wala pa nung TV at ‘yung nagkarong una,
S’yempre ‘yung sa lugar naming maraming pera!
‘Di sila suplado lahat pinapupunta
Para manood ng TV … sa PUNERARYA!
Ngek! Pero dahil excited ka at iba ‘to,
Manonood pa rin kahit medyo kabado
‘Tsaka tumatayo ang iyong balahibo
dahil pagpunta mo may INIIMBALSAMO!
Nayyy! Kaya kahit lumalaki pa ang ulo,
Kahit black and white lang at maliit na kwadro,
Dahil ang telebisyon nga noon ay bago,
Anong mumo-mumo? Basta pag-uwi … TAKBO!
Pag naalala nga ay natatawa ako,
Dahil gawi nila ay terno sa negosyo,
Sa TV nila libre tumingin ang tao,
In other words, may PUBLIC VIEWING at OPEN ‘to!
That is why “PATAY NA PATAY” AKO SA TV!
Dead serious lang sa my work kumbaga actually,
At ako na rin yata pinakamarami
Na naging palabas ‘di sa pagmamalaki!
Pagtagal nagkaron din kami ng Emerson,
‘Yun ang tatak nung una naming television,
May cabinet pa’t wala pang remote control nun,
Nang masira pihitan gamit namin ay coin!
Ngek! Kaya Jukebox TV ang kami nu’y meron!
May antenna pa nga yata kami sa bubong!
Kaya pag may pusang naghabula’t naglampong,
Mga mapapanood mo lahat may ugong!
Puro stateside lang ang shows at konti lang channel,
TV Patrol nun ay “Highway Patrol” ang title,
Ang Travel Show pa noon ay meron pang baril,
Pamagat pa yata nun ay “Have Gun Will Travel!”
S’yempre joke lang pero ‘di biro dinaanan,
Simple lang ang buhay at ‘di kami mayaman,
First long pants nga utol ko ay pinag-awayan,
Old pants ng lolo namin, init nga’t wool naman!
Ngek! Iisa nga lang at ni-repair lang ito,
Palitan kami ang usapan namin dito,
Pero nung magupit na’y dito nagkagulo,
Gusto naming magsuot nang una pareho!
At magkakaron lang ng bagong kasuotan,
Ito naman ay sa paminsan-minsan lamang,
Kapag mga kamag-anak naming mayaman
Ay naabutan kami ng pinaglumaan!
He, he, he … ‘di ko naman kinahihiya ‘yan,
Lalo ngayo’t may nabasa ‘ko sa Instagram
Na oks ‘yung ginamit na at pinaglumaan —
“USED IS THE NEW NEW!” Ay bongga, kung ‘di ba naman!
Kaya luma na rin linyang “segunda mano,”
Dahil nga sa ngayon s’ya na ang BAGONG BAGO!
Kaya rin nga mga dating “nahihingi” mo,
Bibilhin mo na’t baka mas mahal pa presyo!
- Latest
- Trending