Bato nagsori sa Quiapo twin blast
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald “Bato’ dela Rosa na nalusutan ang pulisya sa dalawang magkahiwalay na pagsabog ng bomba na ikinasawi ng dalawa katao habang anim pa ang nasugatan sa Quiapo, Maynila noong nakalipas na Sabado.
Humingi ito ng paumanhin kahapon sa isinagawang press briefing at tinatanggap ng PNP ang batikos ng ilan nilang mga kritiko hinggil sa nasabing insidente.
Iginiit naman ni Dela Rosa na hindi sila gumagawa ng alibi upang mailihis sa international terrorist na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang pangyayari.
Magugunita na noong Sabado bandang alas-5:55 ng gabi ay niyanig ng pagsabog ang Norzagaray Street sa panulukan ng Elizono Street malapit sa Manila Golden mosque na ikinasawi ng dalawa katao, isa rito ay kinilalang si Mohammad Binga habang apat pa ang nasugatan.
Ilang oras naman nang magresponde ang Explosive Ordnance Disposal at Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Manila Police District upang magsagawa ng imbestigasyon ay sumabog ang ikalawang bomba na ikinasugat ng dalawang pulis mula sa SOCO ng Manila Police District (MPD) na kinilalang sina PO2s Aldrin Resos at Eliza Arturo.
Pinanindigan din nito na sa mga impormasyon na kanilang nakuha sa inisyal na imbestigasyon na ang dalawang pagpapasabog sa Quiapo ay isang ‘isolated case’ lamang at hindi ito kagagawan ng mga terorista kaya walang dapat na ikabahala ang publiko.”.
- Latest