Pacquiao hindi makalimutan ang pagpapatulog sa kanya ni Marquez
MANILA, Philippines – Hindi maitatago ni Manny Pacquiao ang multong idinulot ng pagpapabagsak sa kanya ni Mexican legend Juan Manuel Marquez noong Disyembre ng 2012.
Pinanood ng 43-anyos na si Marquez ang laban ng 37-anyos na si Pacquiao laban kay Jessie Vargas noong nakaraang Linggo.
At sa kanyang obserbasyon ay tila nag-iba na ng kanyang istilo ang Filipino world eight-division champion.
“So he looks more cautious, fights more from a distance, and he’s not looking like he did in the past, when he fought with that speed, with his animosity to knock the opponent out,” wika ni Marquez kay Pacquiao sa panayam ng BoxingScene.com.
Matatandaang pinatulog ni Marquez si Pacquiao sa huling segundo ng sixth round ng kanilang ikaapat na paghaharap noong Disyembre ng 2012.
Sa naturang laban ay nabasag ni Pacquiao ang ilong ni Marquez.
Ngunit sa huling segundo ng sixth round ay sumugod si Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) sa pag-aakalang mapapabagsak niya si Marquez (56-7-1, 40 KOs).
Isang mabigat na counter right hand ang isinalubong ng Mexican fighter para patumbahin si ‘Pacman’.
Napabagsak naman ni Pacquiao ang 27-anyos na si Vargas (27-1-0, 10 KOs) sa second round patungo sa kanyang unanimous decision win para agawin sa Mexican ang suot nitong World Boxing Organization welterweight crown noong Nobyembre 6 sa Las Vegas, Nevada.
Sa ilang bahagi ng nasabing laban ay nauga ni Vargas si Pacquiao mula sa kanyang mga right straight at overhand.
At sa tuwing tumatama ito ay natitigilan si Pacquiao.
“Those right hand blows that landed from Jessie Vargas made Manny Pacquiao think,” ani Marquez. “Getting hit with that right hand counter is still fresh in his memory.”
Huling nakapaglista ng KO win si Pacquiao noong Nobyembre ng 2009 nang pigilin si Miguel Cotto sa 12th round para agawin sa Puerto Rican ang WBO welterweight belt.
Nabanggit ang retiradong si Floyd Mayweather, Jr. (49-0-0, 26 KOs) at ni unified light welterweight titlist Terence Crawford (29-0-0, 20 KOs) para sa susunod na laban ni Pacquiao.
- Latest