Palasyo: Maging alerto sa ‘terorismo’
MANILA, Philippines - Hinikayat kahapon ng Malacañang ang taumbayan na maging alerto kasunod ng magkasunod na pagsabog na nangyari sa Quiapo, Maynila kamakalawa ng gabi na ikinasawi ng dalawa katao at anim na iba pa ang nasugatan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, dapat maging mapagmasid ang lahat at ireport sa pulisya ang anumang kahina-hinalang kilos sa kanilang komunidad.
“We are saddened by the loss of lives brought by yesterday’s night explosions in Quiapo. We likewise wish for the immediate recovery of those who were wounded,” pahayag ni Abella.
Ayon pa kay Abella, dapat ding iwasan ang pagpapakalat ng mga unverified report na baka lumikha ng takot at panic sa komunidad.
Magugunita na 2 katao at 4 na iba pa ang nasugatan sa unang pagsabog bandang alas-6:00 kamakalawa ng gabi sa Norzagaray St., Quiapo malapit sa Manila Golden Mosque.
Bandang alas-8 ng gabi ay isa pang pagsabog ang sumambulat kung saan dalawang pulis ang nasugatan habang nag-iimbestiga sa lugar.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde, ang pagsabog ay dahil sa clan war at walang kinalaman sa terorismo.
Pinaalalahanan naman ni Albayalde ang publiko na manatiling kalmado sa kabila ng naganap na kambal na pagsabog sa Quiapo.
Sa kasalukuyan, kontrolado naman ng kapulisan ang sitwasyon at wala anyang dapat ipangamba sa anumang uri ng terorismo.
Hiniling din ni Albayalde sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon lalo na sa social media upang maiwasan ang panic.
Inatasan na rin ni Albayalde ang lahat ng mga kapulisan na magsagawa ng Oplan Sita lalo na sa mga mataong lugar upang maiwasan ang karahasan.
Pinadadagdagan din nito ng tauhan ang mga lugar sa Quiapo kasabay ng gagawing dayalogo sa mga lider nito upang malaman ang kanilang kalagayan.
Sa ngayon inilagay sa lockdown ang Norgazaray Street sa Quiapo habang ongoing ang forensic and ordnance police teams sa pag-secure at pag-proseso sa blasts sites.
Magugunita na 2 linggo na ang nakakaraan ay may naganap ding pagsabog sa Quiapo kung saan ay 14 katao ang nasugatan.
- Latest