Ika-6 panalo pakay ng bolts
MANILA, Philippines - Pupuntiryahin ng Meralco ang kanilang ikaanim na panalo, habang tatargetin ng Blackwater ang una nilang back-to-back wins sa pagbabalik ng bakbakan sa 2017 PBA Commisisoner's Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Magtatagpo ang Bolts at Elite sa ganap na alas-4:30 ng hapon bago ang salpukan ng San Miguel Beermen at Star Hotshots sa alas-6:30 ng gabi.
Matapos malasap ang kauna-unahan nilang kabiguan sa mga kamay ng San Miguel, 92-99 noong Abril ay kaagad bumangon ang Meralco nang gibain ang Alaska, 99-891 noong Abril 8.
Nakamit naman ng Blackwater ang kauna-unahan nilang panalo nang takasan ang GlobalPort, 118-113 noong nakaraang Sabado.
Bagama't may 1-4 baraha ang Elite kumpara sa kanilang 5-1 record ay hindi nagkukumpiyansa si Bolts coach Norman Black.
“Blackwater has been playing good basketball this conference so we must prepare well and avoid any type of letdown,” wika ng one-time PBA Grand Slam champion mentor na si Black sa Blackwater.
Umaasa naman si coach Leo Isaac na maduduplika ng Elite ang kanilang panalo sa Batang Pier sa pagharap sa Bolts.
“We hope that our victory versus GlobalPort last week will boost our morale and confidence,” sabi ni Isaac.
Muling aasahan ng Meralco sina import Alex Stepheson, Chris Newsome, Baser Amer at Jared Dillinger katapat sina reinforcement Greg Smith, Nino 'KG' Canaleta, Reil Cervantes at Ronjay Buenafe ng Blackwater.
Sa ikalawang laro, pipilitin ng Beermen na maideretso sa tatlo ang kanilang arangkada sa pagharap sa Hotshots.
Nanggaling ang San Miguel sa 110-88 paggupo sa Phoenix noong Abril 7, samantalang lumasap ang Beermen ng 98-113 pagyukod sa Barangay Ginebra sa kanilang 'Manila Clasico' noong Abril 9.
Ipaparada ng Beermen sina import Charles Rhodes katuwang sina three-time PBA MVP June Mar Fajardo, Marcio Lassiter, Arwind Santos, Alex Cabagnot at Chris Ross.
Sasandigan naman ng Hotshots sina import Tony Mitchell, Mark Barroca, Allein Maliksi, PJ Simon, Ian Sangalang at Rafi Reavis.
- Latest