Ex-Sen. Jamby, Rep. Alonte ang nanuhol ng P100-M sa Bilibid inmates-DOJ chief
MANILA, Philippines - Pinangalanan na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na sina dating Senador Jamby Madrigal at incumbent Rep. Len-len Alonte ng Laguna ang umano’y nag-alok ng P100 milyon na suhol sa mga high profile inmate para baliktarin ang kanilang mga testimonya laban kay Senador Leila de Lima na isinasangkot sa Bilibid illegal drug trade.
Sinabi ni Aguirre, na ang kamag-anak umano ni Madrigal ang nag-refer kay Alonte para tumawag sa mga high profile inmates.
Hinimok umano ng dalawa ang mga inmates na nasa detention facility ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na baliktarin ang kanilang mga testimonya bago ang ika-31 taong paggunita sa EDSA people power revolution.
Ang pagbaliktad ng mga inmates ay gagamitin para makumbinsi ang taumbayan para sumama sa isasagawang kilos protesta laban sa Duterte administration.
Ayon naman sa kampo ni Madrigal na sa ngayon ay nasa Europa ang dating senador.
Pinaimbestigahan naman ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang umanoy pagkakasangkot ni Alonte-Naguiat at Madrigal na dapat alamin ang puno’t dulo ng nasabing isyu dahil nakikitaan ng pattern ng panggugulo at destablisasyon sa pamahalaan.
Una na umanong panggugulo ay nang pilit na ipa-retract ang naunang testimonya ni retired SPO3 Arturo Lascañas kaya naman nagmukha itong joker.
Idinagdag pa ni Speaker na si Alonte-Naguiat ay kamag anak ng dating Pagcor Chairman kaya malaking pera ang naglalaro ngayon para sa destabilisasyon ng gobyerno.
Kaya kailangan umano itong agarang imbestigahan ng Kamara dahil sa nakasalalay ang national security ng bansa.
Si Alonte-Naguiat ay kilalang malapit na kaibigan ni Kris Aquino.
- Latest