Opisyal na utos?
SA kabila ng pahayag ni Pres. Rodrigo Duterte na bombahin ang mga militante kahit may mga kasamang bihag, wala raw opisyal na utos mula sa kanya. Ito ang klaripikasyon ng AFP, sa kabila ng mga batikos na inani ng pinakabagong pahayag ni Duterte. “Sorry na lang daw at collateral damage, kaya huwag magpakidnap”. Para namang may kontrol ang lahat kung sino ang makikidnap o hindi. Para bang sinasabi na umalis na lahat mula sa mga lugar na kilalang kuta ng mga terorista?
Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, ang desisyon kung ano ang nararapat na gawin ay nasa ground commander. Tila sinasabi na sanay na sila sa mga ganitong klaseng pahayag mula sa commander-in-chief. Sa nais nila na durugin ang mga grupo tulad ng Abu Sayyaf, gagawin pa rin nila ito habang binibigyan ng mataas na kahalagahan ang buhay ng tao, partikular mga inosente. Sino ba ang may ayaw na madurog na ang Abu Sayyaf? Pero sino naman ang gustong maging collateral damage? Hindi naman pwede ang “patayin na lahat at sorry na lang kung mapinsala”. Ganun din ba sa kampanya laban sa iligal na droga? Sorry na lang kung madamay?
Ang Presidente ay commander-in-chief rin ng buong sandatahang lakas. Kung ano ang kanyang utos, kailangang sundin. Kaya kung gagawing opisyal ang utos na bombahin o pasabugin ang mga militante kahit may mga kasamang sibilyan, susunod na lang ba ang mga sundalo, o depende pa rin sa ground commander? Wala na bang mga kilos na gagawin para mapalaya ang mga bihag at ilayo ang mga inosenteng sibilyan sa mga terorista at kriminal, bago ulanin ng bomba? Sana naman hindi.
Sinubukan ipaliwanag na naman ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa ang pahayag ni Duterte, pero lumabas na inulit lang ang sinabi ng Presidente. Sorry na lang kung may mamatay. Ganito rin ang sinasabi sa kampanya kontra iligal na droga. Iba ang humingi ng paumanhin matapos maganap ang hindi inaasahan, sa humingi na ng paumanhin para sa magaganap na hindi kanais-nais.
- Latest