Pagawaan ng pekeng plaka at lisensya, ni-raid

MANILA, Philippines - Isang pagawaan ng pekeng plaka at mga driver’s license na ilang hakbang lamang ang layo sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang sinakalay ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon ng umaga
Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar, ang operasyon ay ginawa sa bisa ng dalawang search warrant dahil sa paglabag sa Article 172 ng RPC in relation to R.A. 170 at Sec. 17 R.A. 4136 at warrant no. 5248 na inisyu ni Judge Cleto Villacorta III ng RTC branch 230 ng QC.
Ito ay may kaugnayan sa iligal na pag-imprente, paggawa, distribusyon, o pagkakaroon ng pekeng LTO documents forms na masasangkot ang pagsabotahe sa ekonomiya.
Ang nasabing pagawaan ay matatagpuan sa Mapagmahal St., malapit sa Mabilis St., Brgy. Pinyahan kung saan nadakip ang mga suspek na sina Cesario Endaya at Ian Tiansing.
Ginawa ang pagsalakay ng tropa ng District Special Operation Unit (DSOU) base sa koordinasyon na ginawa ng Land Transportation Office (LTO) sa kanilang tanggapan makaraang mabatid na maraming fixers ang nagpupunta sa nasabing lugar para magpagawa ng pekeng mga dokumento.
Sinabi ni Eleazar, partikular na dumudulog sa nasabing pagawaan ang mga criminal element o sindikato na may hawak na karnap na sasakyan na nais nilang magpa-dokumento, tulad ng licenses plate number, OR/CR at driver’s license.
Bukod sa mga Pinoy, mayroon din anyang mga dayuhan na sangkot sa criminal activities na gustong magkaroon ng lisensya ang dinudulog dito para magkaroon ng identity, pero peke ito. Sa kasalukuyan, iniimbestigahan na ng QCPD ang nasabing insidente.
- Latest