EDITORYAL - Hinukay ang love affair
HINDI naging masustansiya ang imbestigasyon ng House of Representatives committee on justice noong Huwebes kaugnay sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison na isinasangkot si Sen. Leila de Lima at kanyang dating driver/bodyguard na si Ronnie Dayan. Sa halip na magpokus sa lawak ng drug trade, ang love affair ng senadora at ni Dayan ang pinagpistahan ng nakararaming kongresista. Mabibilang ang mambabatas na nagtanong nang matino ukol sa isyu ng droga.
Kagaya ng tanong ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas kung paano ihahalintulad ni Dayan ang pag-iibigan nila ni De Lima na umabot ng pitong taon. Sabi ni Dayan, katulad daw ng Signal Number 5 ang pag-iibigan pero biglang humina at naging Signal Number 1 na lang. Naghagalpakan ng tawa ang mga nakikinig sa hearing.
Hindi pa roon natapos ang pagtatanong ni Fariñas sapagkat mayroon pa itong tinanong sa anak na babae ni Dayan na humarap din sa pagdinig. Tinanong ng kongresista kung ano ang ibig sabihin ng “TL” na nasa cell phone nito. Sagot ng anak ni Dayan, “Tita Lei” na ang tinutukoy ay si De Lima. Pero sabi naman ni Fariñas, puwede rin daw na ang “TL” ay Tulo-Laway.
Isa pang kongresista ang nagtanong kay Dayan kung hanggang saan ang climax na narating ng kanilang pag-iibigan.
Dalawang kongresista naman ang pinilit na ungkatin kay Dayan ang tungkol sa umano’y sex video nito. Pinabulaanan ni Dayan na mayroon silang sex video at wala raw siyang kuha sa cell phone niya. Maaaring iba raw ang kumuha niyon.
Sa buong araw ng pagdinig ng House ay pawang ang love affair nina De Lima at Dayan ang tinutukan. Kulang na lang na itanong ng mga mambabatas ay kung anong posisyon nagsi-sex ang dalawa.
Sana sa susunod ay ang tunay na pakay sa imbestigasyon ang hukayin at hindi na ang mga walang kuwentang tanong na nagpapakitang “mahahaba ang dila” ng ilang mambabatas. Paano mapapadali ang imbestigasyon kung wala sa ayos ang mga tanong? Nagsasayang lang sila ng oras at baka wala ring marating ang imbestigasyon.
- Latest