Pacquiao uuwi agad pagkatapos ng laban
LOS ANGELES – Hindi magtatagal si Manny Pacquiao kahit isang minuto dito sa United States matapos ang kanilang laban ni Mexican-American Jessie Vargas sa Nov. 5 sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas.
Ayon kay Pacquiao, kaagad siyang uuwi ng Pilipinas para ipagpatuloy ang kanyang trabaho bilang Senador.
“Uuwi agad ako after the fight,” wika ni Pacquiao.
Sinabi ni Pacquiao na kaagad niyang sasak-yan ang unang eroplanong aalis ng Las Vegas isang araw matapos ang kanilang upakan ni Vargas para makabalik ng Manila sa Martes ng umaga (Manila time) at dumalo sa sesyon ng Senado sa hapon.
Magpapatuloy ang sesyon ng Senado sa Lunes at hindi kaagad makakadalo si Pacquiao maliban na lamang kung mapapatulog niya si Vargas sa first round, maligo ng mabilis at dumiretso sa airport para umabot sa evening flight kung mayroon man.
Hindi makakadalo si Pacquiao sa first session sa Nov. 7 matapos ang senate recess.
“One day absent ako. Hindi na siguro masama ang isang araw,” wika ni Pacquiao.
Nauna nang nangako ang dating congressman na naihalal sa Senate noong Mayo na hindi siya liliban sa anumang sesyon ng senado.
Bilang congressman ay labis na tuligsa ang kanyang inabot dahil sa madalas niyang pagliban sa tuwing siya ay may laban.
Nang ihayag niya ang kanyang retirement matapos talunin si Timothy Bradley noong April ay sinabi niyang ibubuhos niya ang kanyang panahon sa Senado.
Ayon sa kanyang public information officer na si Aquiles Zonio, may perfect attendance ang eight-division champion bilang senator.
Maski na nagsasanay ay tinitiyak ni Pacquiao na makakadalo siya sa afternoon sessions.
Sinabi ni Pacquiao na may mahalagang senate deliberation sa Martes.
“Budget deliberation,” sambit nito.
Karaniwang bumabalik pa sa Los Angeles si Pacquiao pagkatapos ng laban para makapagpahinga at mag-relax kasama ang kanyang pamilya pero sa pagkakataong ito, kailangan niyang umuwi agad ng Pinas.
- Latest