22 senador para kay Koko
MANILA, Philippines – Posibleng umabot sa 22 senador ang boboto pabor kay Senator Aquilino “Koko” Pimentel III bilang bagong presidente ng Senado sa pagpasok ng 17th Congress sa Hulyo.
Ayon mismo kay Pimentel, malaki ang posibilidad na umabot sa 22 ang mga senador na sasama sa kanilang kowalisyon at dalawa lamang ang magiging miyembro ng minorya.
Ang dalawang senador na sigurado ng magiging miyembro ng minorya ay sina Senator Francis “Chiz” Escudero at Antonio Trillanes IV.
“They (Escudero, Trillanes) don’t belong to any group, they don’t reach out to us and then the news, the info that we get is they want to be in the minority. I agree that there should be a minority so let it be. In fact I encourage that someone or some group should be interested in being minority,” ani Pimentel.
Sinabi ni Pimentel na may 17 senador na ang posibleng nagbigay ng suporta sa kanya.
Pero agad ding nilinaw ni Pimentel na bagaman at hindi pa pinal ang agreement sa 17 senador, kumpleto naman ang mga “critical leaders” nila na nagbigay ng suporta,
Kahapon ay kinumpirma rin ni Senate President Franklin Drilon na si Pimentel na ang susunod na Senate president.
Balak na imbitahan ni Pimentel ang mga hindi pa kasama sa bilang na sina Senators Cynthia Villar, Alan Peter Cayetano, Juan Miguel Zubiri, Richard Gordon at JV Ejercito.
“Kung sasama si Alan (Cayetano), isama niya grupo niya...expect 5 sila so 17 plus 5 is 22. I will have to stop at 22 kasi dapat may minority,” pahayag ni Pimentel.
Samantala, kapwa kinumpirma kahapon nina Senators Antonio Trillanes IV at Francis “Chiz” Escudero na magiging miyembro sila ng minorya at hindi sasama sa tinatawag na “super majority” ng Senado.
- Latest