2 patay sa pista ng Nazareno
MANILA, Philippines - Dalawa katao ang muling nagbuwis ng buhay sa tradisyunal na prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno matapos na mahulog mula sa karosa nito ang isang 40-anyos na lalaki habang nahi matay at tuluyang natapakan ng daang katao ang isang 42-anyos na mister kahapon ng umaga sa Ermita, Maynila.
Idineklarang dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Bernardino Basilio, ng magtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ng mahulog umano sa karosa, bago pa tumulak ang prusisyon mula sa Quirino Grandstand, Luneta habang ang biktimang si Rodrigo Omampo, residente ng Arellano corner Zobel sts., Makati ay namatay dahil sa cardiac arrest dakong alas-11:30 ng umaga.
Sugatan naman na isinugod dakong alas-8:30 ng umaga sa Philippine General Hospital sina Adelina Bautista; 80, John Marvin De Los Santos; 19; Robert Johnson Madrid; Irish Balano, 17; at Robert Nobregas, 64. Nagtamo din ng sugat sa dibdib si Estrella Santos, residente ng San Juan City matapos na matamaan ng pinaputok na kwitis ng di pa matukoy na suspek habang nag-aabang ng pagdating ng prusisyon sa Quezon Blvd.
Hindi rin nakaligtas ang kilalang deboto ng Black Nazarene na si Vice President Noli de Castro matapos na masugatan ang talampakan nito ng salubungin ang prusisyon sa tapat ng Manila City Hall kasama ang kanyang mga security.
Tatlumpung taon ng namamanata si de Castro kung saan nagsimula ito noong siya ay nasa kolehiyo pa lamang.
Sa ulat ng Philippine National Red Cross, umaabot na sa 119 deboto ang kanilang nagamot matapos na masugatan, mahilo at mawalan ng malay.
Tuluyan naman nagkaroon ng tulakan sa prusisyon at mahulog ang mga debotong nakasakay sa karosa dakong alas-3:15 ng hapon ng makarating ito sa dulo ng McArthur Bridge.
Pasado alas-8 kagabi ng tuluyang maibalik sa simbahan ng Quiapo ang Nazareno. (Dagdag ulat ni Doris Franche)
- Latest
- Trending